Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Jeni, single parent. Ang aking anak na babae ay matatapos na ng nursing. Ten years na akong biyuda at kahit ako’y 44 lang, hindi ko na naisip na mag-asawa muli. Maraming nanliligaw pero takot ako sa kanila. Baka paglaruan lang ako dahil sino nga ba ang seseryoso sa isang matandang biyuda. Kaso may masugid akong manliligaw. Madalas dumalaw sa bahay at boto naman ang aking anak. Aaminin kong gusto ko ring magkaroon ng partner sa buhay dahil malungkot ang nag-iisa. Iniisip ko, kapag nagkaroon na rin ng sariling pamilya ang aking anak ay maiiwan na lang akong mag-isa. Okay lang ba na ang isang matandang katulad ko ay mag-isip na mag-asawa muli?
Dear Jeni,
Walang masama basta’t ikaw ay totoong nagmamahal. Kung may pagtingin ka sa lalaking nanliligaw sa iyo, bakit hindi mo pagbigyan ang sarili mo. Huwag mong pagkaitan ang iyong sarili ng karapatang lumigaya. Kung matiyak mo na tunay ka niyang mahal at siya’y walang pananagutan sa buhay, tanggapin mo ang kanyang pag-ibig. Sa ganitong paraan ay mapaparamdam mo rin sa iyong anak ang pagiging buo muli ng iyong pamilya dahil kumpleto na siya, may ina at ama.
Sumasaiyo,
Vanezza