Dear Vanezza,
May asawa’t limang anak ako. Mahal na mahal ko ang aking misis at 10 taon na kaming nagsasama. Nagkaroon siya ng kanser sa matris. Ipinagbawal ng doktor sa kanya ang pakikipagtalik. Dalawang taon na ang kanyang sakit at dalawang taon na rin akong nagtitiis. Kahit mahal ko siya, may pangangailangan rin ako bilang lalaki. May kasamahan ako sa trabaho na may gusto sa akin at batid ang aking kalagayan. Hindi ko siya gusto noong una, pero nahulog ang aking sarili sa kanya dahil nga naibibigay niya ang bagay na hindi maibigay ng misis ko. Limang buwan na ang aming relasyon. Tama ba ang ginagawa ko? Tuwing magkasama kami ni misis nakokonsensiya ako. Tulungan mo ako. - Dominic
Dear Dominic,
Ikaw na rin ang nagsabing nakokonsensiya ka. Pakinggan mo ang tinig ng iyong budhi. Hindi nagkakamali ang budhi dahil iyan ay bigay sa atin ng Dios para malaman ang tama at mali. Kaya lang, madalas tayong makipag-argumento sa sarili nating konsensiya. Ang kinalalabasan ng argumentong ito’y laging talo ang ating konsensiya at panalo ang sarili nating pita o kagustuhan. Totoong mahirap mabuhay na walang sex lalo na ang mga lalaki, pero ang sex ay hindi ang lahat-lahat sa buhay ng mag-asawa. Mas maipapakita ng isa’t isa ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng kahandaang magtiis. Kung ikamamatay ng misis mo ang pakikipag-sex, dapat mo itong unawain at lalo mong ipakita ang walang kapantay na pag-ibig sa kanya sa pamamagitan ng sakripisyo.
Sumasaiyo,
Vanezza