‘The beautiful ones’ (26)

“NARINIG ninyo, mga kaluluwa? Huli na para magsisi ako at magbalik-loob kay Lord! Sa dami ng ipinapatay ko sa mga zombies, nakadestino na talaga ako sa impiyerno!” umiiyak na sabi ni Oreo.

Ang mga kaluluwa ay nagkakatinginan; ang kani-kanilang katawang naging zombie ay naghihintay ng utos ni Oreo.

Nagsalita ang kaluluwa ng Talipapa Queen. “Kapatid na Oreo, ang kapatawaran ay nakalaan sa mga nagsisisi. Walang hanggan ang awa ng Panginoon.”

Natigilan ang binabae. “You mean, makakapasok din ako sa Langit—basta magsisi lang ako?”

Ang kaluluwa ng dirty politician ang nagpaliwanag. “Ako noong nabubuhay, sobrang makasalanan—corrupt, maraming scam. Pero bago ako nabaril at namatay, nakahingi muna ako ng tawad sa Diyos.”

“At napatawad ka na—idiniretso na ng mga anghel ni Lord sa Langit?” paniniyak ni Oreo.

Nag-ilingan ang mga kaluluwa.

Ang kaluluwa ng heneral ang nagpaliwanag this time. “Oreo, hindi ganoong kadali ang nangyari. Ako ma’y makasalanan noong nanunungkulan pa ako. Meron akong illegal logging at tumatanggap ako ng jueteng payola.

“Nang  nakaratay na ako sa ospital, dahil sa prostate cancer, isinuko ko ang sarili ko sa Diyos, tinanggap ko Siya bilang aking Tagapagligtas…”

“At…pinapasok ka na rin sa Paraiso, general?” tanong ni Oreo.

Ang mga zombie ay nanatiling nasa likuran niya, pawang wala sa sarili; ewan kung nahihiya sa presence ng kanilang kaluluwa.

Sumagot ang heneral. “Oo, pero iyon e matapos ang aking pagdurusa sa purgatory; tinanggap ko muna ang aking parusa; nilinis muna ang aking makasalanang kaluluwa…”

“K-kumbaga ay…sinabon muna nang husto, ha, general?”

Hindi na nasagot ang tanong ni Oreo, naglaho na ang mga kaluluwa.

Nag-ungulan ang mga zombie, balisa. “Uuungg. Graalll. Ngizzz.”

“Pababalikin ko kayo sa hukay. Ako’ng bahala,” pangako ni Oreo.

Dumagundong ang tinig ng bagong dating, “Balimbing ka, Oreo! Hindi ka na puwedeng magpaligtas sa Diyos mo!”

“S-Satanini…” Ang demonyo nga, galit na galit. (ITUTULOY)

 

               

               

 

 

 

 

Show comments