Aasa pa ba?
Dear Vanezza,
Ako po’y isang bilanggo. Sa tagal ng pananatili ko sa kulungan, nagkaroon ako ng karelasyon. Almost two years na po kaming magkasintahan. Sa panahong ito, lagi na lamang ako ang umuunawasa kanya. Kahit siya ang may mali, ako ang laging nanunuyo para magkaayos kami. Ito ay dahil sa laki ng pagmamahal ko sa kanya. Ayaw ko kasing masira ang aming pagsasama. Kaya naman hinahabaan ko ang pasensiya at pang-unawa. Subalit dumating ang pagkakataon na mayroon kaming hindi pagkakaunawaan na hindi ko talaga kayang intindihin at unawain. Ipinalaglag niya ang sana’y magiging baby namin. Ang sama ng aking loob. Naisip ko tuloy na hindi niya talaga ako mahal. Maaring ikinahihiya niya na maging ama ng sanggol niya ang tulad kong bilanggo. Sa ngayon po ay hindi na niya ako dinadalaw. Ano ang gagawin ko? - Santi
Dear Santi,
Maraming dahilan ang maaaring nag-udyok kung bakit ipinalaglag ng nobya mo ang dinadala niyang sanggol. Maaaring hindi niya ito kayang buhayin nang mag-isa, natatakot siya sa mga magulang niya o di kaya’y nahihiya sa sasabihin ng tao. Kasalanan ang kanyang ginawa, pero bahagi ka rin ng kasalanang ito kaya huwag mong ibunton sa kanya ang sisi. Ngayong nasukat mo kung hanggang saan ka niya kayang mahalin, ikaw lang din ang makakapagdesisyon kung patuloy kang aasa na babalikan ka niya. Tandaan mo na may mga desisyon tayong ginagawa sa ating buhay subalit dapat kang maging handa sa anumang ibubunga nito.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest