‘The beautiful ones’ (11)

SAKAY ni Oreo sa kanyang family van ang mga alagad nang matanaw ng lulan ng isang SUV. Taka ang mga ito dahil hindi mukhang normal na tao ang nasa van.

“Manong driver, tingnan mong mabuti, nakakatakot ang anyo nila!”

“Baka tayo mabangga, mga iha. Pero susul­yapan ko.”

Nakita ng driver ang mga sakay ng van ni Oreo. Napaigtad ito habang nagda-drive. “Hinaykupo! M-mga…mga z-z-zombie…”

“P-po, manong? M-mga zombie as in… mga living dead?”

“N-nabuhay na mga patay, manong?” Sinagilahan ng takot ang mga sakay na dalaga.

Sabay pa ring tumatakbo sa highway ang dalawang sasakyan; wala yatang nais na magpaiwan.

Nalaman na ni Oreo ang nangyayari. “Nakita na nila kayo, mga alagad! Hindi sila dapat makapagsumbong!  Sampulan na natin, umpisahan ang gabi ng lagim!”

Nasa ilang na highway sila sa labas ng lunsod. Binangga ni Oreo sa gilid ang SUV.

BLAANG.

“Eeeee!” Tilian ang mga dalagang sakay.

Napatabi sa gilid ng bangin ang SUV, hindi makatuloy dahil nakaharang na ang van ni Oreo.

“Baba, mga alagad! Attack!” utos niya.

Nagtalunan sa sasakyan ang magagandang bangkay, hayok sa laman ng tao, gutom na naman.

NGISSH. NGARRL. GRAALL. Sari-saring ungol, pinasok na ang SUV, sapilitan.   

Nais nang mamatay sa takot ng mga dalaga sa SUV. Kita ang mababangis na zombies. “Eeeee! Eeeee!”

Nanlaban ang drayber. Ginamit ang shotgun. BRAAM.

Nasapol ang heneral ng kopong-kopong. Sabog ang dibdib.

Pero buhay pa rin ang zombie. Sinagpang sa leeg ang drayber. NGASABB.

Madugo ang kasunod. Lahat ng dalaga ay bihag na ng magagandang zombies. Nagtitilian. “Eeeee! Huwag pooo! Eeeee!”

Nanonood si Oreo, enjoy na enjoy. ITUTULOY

Show comments