‘The beautiful ones’ (9)

INATAKE sa puso at namatay ang food delivery man, dahil sa takot sa beautiful zombie. Pinagalitan ni Oreo ang nabuhay na Hollywood actress.

“Ano ngayon ang gagawin natin dito sa bangkay, ha? Ano? Anoo?”

“Ngissshh,” tila sagot ng seksing zombie, ibinuka ang bu­nganga.

Nakaintindi si Oreo, hinila agad sa loob ng bahay ang bangkay ng delivery man. “Dali! Dali! Tawagin mo ang iba pa, sa banyo!”

Humangos na sa salas ang mga hubo’t hubad pang beautiful ones, hindi na inutusan ni Oreo ng dapat gawin. Nilantakan na ang bangkay, kaybilis na naubos.

“Amazing!” bulalas ni Oreo, natawid na ang pandidiri sa madugong ginawa ng mga alagad. “Wala nang bangkay! Walang kaso!”

Walang service na dala ang nag-deliver, nag-commute lang; nakahinga nang maluwag si Oreo. “Deny to death kapag may nag-imbestiga, di ba mga beautifuls?”

Ihinain niya sa dining table ang masaganang pagkaing inorder. Wala man lang isang zomhie na tumikim.

“Oh my gray shoes, natonta na ako! Hindi na nga pala kayo kumakain ng regular food!”

Taong buhay ang nilalamon ng kanyang magagandang alagad, naunawaan ni Oreo. Siya ang kumain ng litson, morkon, fried chicken.

Wise siya, bukod sa taglay na criminal mind-- marunong pang lumusot. “Hello, Food Central? Bakit wala pa ang inorder ko?”

“P-Po? Hindi pa po dumating diyan?”

“Gaga, kung dumating ba tatawag pa ako?”

“Sorry po. Aalamin po namin, baka po naligaw, ser…”

“Madam ako, hindi ser, gaga!” Binagsakan ni Oreo ng telepono ang kausap. BLAG.

Saka nagtawa nang nagtawa sa ginawa. “HA-HA-HA-HAA!”

Walang nakakaalam kung si Oreo ay malapit nang mabaliw. Mga abnormal na ang kanyang ginagawa.

“Mga kampon, dadayo tayo sa mall, sa beach, sa mga tourist spots! Finale natin ang pagpatay sa sindak kay Tiyo Berong!”

Tumango-umungol ang magagandang zombies. (ITUTULOY)

 

 

             

Show comments