‘The beautiful ones’ (3)

SA TABI ng baklang si Oreo bumagsak ang malaking bag na ihinagis ng masasamang loob. Hinahabol ng police car ang kotse ng mga kriminal.

Napamulagat si Oreo nang malamang limpak-limpak na salapi ang laman ng bag. “Anak ng baklang aswang, milyonaryo na akooo! Nagkatutoo ang wish ko na maging super-yamaaan!”

Nang gabi ring iyon, tumakas si Oreo mula sa pobreng bahay sa ilalim ng tulay; alam na babalikan ng masasamang loob ang bag ng pera.

Inilagay niya sa lumang bayong ang sandamakmak na pera. Nagbihis  ng malinis na damit na kupas na kupas na. Sumakay siya ng provincial bus, walang mag-aakalang may dala siyang malaking kayamanan.

Sa isang lunsod sa timog siya umupa ng simpleng bahay. Itinago niya  ang bayong ng pera matapos kumuha ng panggastos.

Sa malaking mall sa kabayanan siya bumili ng matitinong damit at sapatos at kung anu-ano pa.

“Sanlibong piso po itong napili ninyong shirt at polo, sir.”

“No problemo,” mayabang na sabi ni Oreo sa saleslady. Nagpasobra pa ng baysd. “Sa iyo na ang sukli, mizz.”

“Ayy, an’ laki naman po! Tumama kayo sa lotto, bossing?”

“Gagah, ayoko nang tinatanong,” pabulong na taray ng bakla, umalis nang liyad ang dibdib, taas ang noo.

Hindi nakita ang dinadaanan, nadapa tuloy. “Ayyy, aswang na balikbayan! Ahaayy!”

BALIKBAYAN ngang maituturing si Oreo. Sa lunsod na iyon siya lumaki at nagkaisip. Doon siya inapi nang husto ng kanyang stepfather at ng iba pa; doon niya saglit na nakasama ang namayapa nang ina.

Nakalipat na sa sariling bahay ang bakla, binili niya nang cash. Hula niya’y hindi niya kayang ubusin ang sangkatutak na pera.

May motibo siya sa pagbabalik. “Humanda kayong lahat na nang-api sa akin—laluna ka na, Tiyo Berong. Patitikimin ko kayo ng parusang super-lupit, kayo’y magsisising isinilang pa!”

“Ulul.”

Napaigtad si Oreo, narinig ang ‘ulul’. “S-sino ‘yon?” 

“Gago. Hindi mo naalala ang deal natin?”

Nayanig ang bakla sa aninong nasa dilim. “S-Sino ka? H-huwag kang manakot ng bakla…” ITUTULOY

Show comments