‘Wag puro kapintasan ang tingnan

Dear Vanezza,

Ako po ay  31-anyos at single pa hanggang ngayon. Tatlo na ang naging bf ko pero lahat sila ay may kapintasan kaya hindi nagtagal ang aming relas­yon. Ang unang bf ko ay mabait pero sunud-sunuran sa magulang at walang sariling disposisyon. Ang pangalawa ay masipag at mabait pero kuripot. Pag kami’y nagdi-date, dinadala lang ako sa mumurahing fast food. Sa pangatlo kong naging bf ay isa lang ang maipipintas ko. Maalalahanin siya, mapagmahal at may kaya sa buhay. Pero kapag nakasal na raw kami ay hindi puwedeng pumisan sa amin ang aking ina na matanda na. Gusto raw niya ng privacy. Dahil sa sinabi niya ay agad akong nakipag-break. Ngayon ay may nanliligaw muli sa akin pero ayaw ko muna siyang sagutin at baka may makita akong kapintasan sa kanya. Natatakot naman akong tumandang dalaga. Ano ang gagawin ko? - Mayeth

Dear Mayeth,

Ang hinahanap mong lalaki ay perpekto. Tingin ko ay wala kang matatagpuang ganyan. Lahat ng tao ay may kani-kaniyang kapintasan. Kahit ikaw mismo ay may kapintasan kung titingnan mong mabuti ang iyong sarili. Kaya kung may manliligaw sa iyo, tingnan mo ang kanyang magandang katangian at huwag yung puro kapintasan ang napapansin mo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments