‘Haunted hospital’ (9)

BINANGUNGOT si Olga, napanaginipan ang pugot na ulong nakadilat. Nagtitili siya. “EEEEEEEE!”

Nagising ang mga magulang. “Anak, nanaginip ka…inumin mo ‘tong tubig, dali…”

“Horror ba, Olga? Baka may pinanood kang katatakutan sa TV?”

Ipinagtapat ng dalagang nurse ang naranasan sa Hope Hospital.

“ ‘Yun hong una, matandang babae na naglaho sa harapan ko…pero mas grabe ‘tong huli—may pugot na ulo na nakadilat, lawit ang dila, nasa arinolang dala-dala ko...”

“Panginoong Diyos, anak, mababaliw ka doon.”

“Mag-resign ka na, Olga. Makakakita ka rin ng ibang ospital, ‘yung hindi minumulto.”

Umiling ang dalaga. “Inay, Itay…tatatlo na nga lang ho kaming medical staff doon, kawawa naman ho ang mga pasyenteng mahihirap…”

“Ang mga nagmamartir, Olga—sa sementeryo humahantong. Bayani ka nga’y maaga namang namatay.”

“Ayaw naming mawalan ng anak.”

Napabuntunghininga ang dalaga. Nakipag-compromise sa mga magulang. “Ganito na lang ho—kapag hindi ko na makakayanan ang pananakot ng mga multo, hanggang sa isang linggo, magre-resign ako.”

“Okay, anak, usapang matino ‘yan.”

“Ipasusuot ko sa iyo ang benditado kong cross pendant, Olga,” pahabol ng ina.

ANG TAKOT sa multo ay nilalabanan din ng mahihirap na pasyente at mga bantay. Hindi na nila pinapansin ang pagpaparamdam ng mga nasa kabilang buhay.

Pero meron ding mga natatakot pa.

“Ate,’yung kumot mo, may humihila…” kinikilabutang sabi ng bantay na teener sa kapatid na pasyente.                

“Tawagin mo agad si Nurse Olga, Mely, dali!”

Inabutan ni Olga ang scenario. Nakikipaghilahan sa nanghihila sa kumot ang pasyente. “Nurse Olga, ano’ng gagawin natin?”

“Nakikita n’yo ba ang nanghihila ng kumot?” tanong ni Olga sa magkapatid na teenagers, may nais kumpirmahin.

“Wala, invisible siya, Nurse Olga.”

Nakikita ni Olga ang nananakot na multo. ITUTULOY

Show comments