“Haunted hospital” (7)

UMABOT na yata sa apat na sulok ng maliit na ospital ang malakas na tili ni Nurse Olga. “EEEEEE! EEEEE!”

Nabitiwan niya ang dala-dalang arinola para sa pasyente.

Kablaanng. Bumagsak ito sa sementadong lapag, lumikha ng ingay.

Naalarma ang mga pasyente, alam na may nagaganap. Kababalaghan ba, gaya ng balibalitang nangyayari sa Hope Hospital?

Dumalo agad sina  Nurse Armida at Doktor Robles.

“Nurse Olga, ano’ng  nangyari?”

“Putlang-putla ka, iha. Calm down. Hinga nang malalim.”

Halos umid ang dila, itinuro ni Olga ang arinola. Tumaob iyon matapos gumulong.

“Nabitiwan mo?  ‘Buti’t walang laman na kadiri, Olga.” “M-May laman ho, Doc Robles, N-Nurse Armida…” “Merong wiwi at mabahong ‘brown thing’?”

“E bakit walang nakakalat sa lapag, Nurse Olga?”

Tinitigan ni Olga ang nakataob na arinola. Walang movement ito, payapa. Wala ring anumang natapon o kuma­lat mula rito.               

Hindi pa kumakalma ang panghihilakbot ng dalagang nurse.

“Grabe ho ang nakita kong laman ng arinola, habang hawak ko. Naka­babaliw… ”

“Ano ba ang laman?” kinakabahang tanong ni Doktor Robles.

 Hindi niya masabi nang malakas ang nasaksihan, takot na baka na naman ito makita.

Ibinulong ni Nurse Olga sa doktor at sa nurse.

Nanghilakbot ang dalawang may-edad. Hindi makapaniwala.

“A-are you sure?” tanong ni Doktor Robles. “Nurse Olga, baka guniguni mo lang—kasi’y ini-expect mong may magmumulto?”

“Iha, di ba may kasabihang ‘the eyes see what it wants to see’? Nakikita raw ng mga mata ang bagay na inakala nating makikita,” sabi ni Nurse Armida.

Umiling nang umiling si Olga. “Totoo po ang nakita ko, I swear.”

Nagkatinginan sina Doktor Robles at Nurse Armida, napatanaw din sa arinolang nakataob sa di-kalayuan. “Dapat nating tingnan, Nurse Armida…” “D-Dok, puwedeng ikaw muna po a-ang unang tumingin,” salag ng may-edad na nurse. (ITUTULOY)

Show comments