Hindi makayanan ang lungkot
Dear Vanezza,
Ako po si Turo, 40 anyos, binata at naka kulong ngayon dito sa Munti. Biktima po ako ng ipinagbabawal na gamot (shabu) kaya naririto ako ngayon sa kulungan. Sa tinagal-tagal po ng pagkakabilanggo ko ay labis-labis na kalungkutan ang aking dinaranas. Lubhang naiinip na rin ako at wala akong malamang gawin para malunasan ang lungkot at pagkainip sa matagal na pagdaraan ng mga araw. Ako po ay hindi masamang tao. Nakulong po ako dala ng barkada. Halos araw-araw ay umaasa ako na makayanan ko ang mga darating pang mga araw ng aking ilalagi rito.
Dear Turo,
Kung minsan ang isang tao gaano man kabait, kapag nasa piling ng mga barkada, lumalakas ang loob na gumawa ng masama dahil marami sila. At malimit sa hindi ang isang taong nasa impluwensiya ng droga ay malakas ang loob, parang walang kamatayan. Sikapin mong mawala sa sistema mo ang droga at ipako sa mas kapaki-pakinabang na aktibidad ang panahon mo riyan sa loob ng kulungan. Sana matutuhan mo ring matanggap ang kahinaan mo para magkaroon ka ng matatag na kalooban na harapin ang resulta ng paggamit mo ng droga.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest