‘Sinner or saint? (11)’

NANINIWALA si Generoso na natakot sa agua bendita o holy water ang asong itim na sinentensiyahan niya ng kamatayan.

“Hanggang diyan ka lang pala, Blackie! Hindi mo ako kaya!”

Naniniwala din siya na may basbas ng Langit ang kanyang ginagawang mercy killing o euthanasia.  Exception to the rule ang asong itim; ito lang ang nagreklamo sa marami na niyang pinatay.

Happy sina Mang Juan at Nanang. Happy rin ang di na mabilang na pusa at aso na kanya nang inalis sa mundo.

May paniwala pa nga si Generoso na siya ay magiging santo kapag siya ay matagal nang patay; malalaman ng mundo na siya ang lala­king tumulong sa mga may taning ang buhay-- na huwag nang maghirap sa sakit.

So what kung sa mata ng batas ay isa siyang kriminal? Ang mahalaga kay Generoso, siya ay itinuturing na savior, tagapagligtas,  ng mga pinatay.

Araw-araw na nagsisimba na si Generoso. Hindi siya umaabsent sa u­nang misa sa umaga; saktong dumarating sa simbahan limang minuto bago mag-alas sais ng umaga.

Kakuwentuhan na niya ang kura-paroko o parish priest.

“Howdy, Generoso?”

“I’m good, Father Brix. Thank you.”

“May girlfriend ka na ba?”

“Malapit na, Father. Popormahan ko na bukas. Nars siya sa ospital na affordable sumingil. Corazon ang ngalan.”

“Corazon ang ngalan ng ospital, Generoso?”

“Hindi ho. Si Corazon ang nars na liligawan ko.”

“Malaki ba? Malinis?”

“Si Corazon ho?”

“Yung ospital na sinasabi mo.”

“Oho, malaking malinis. Pinopondohan ng mababait na mayayaman.”

GABI nang pasyalan ni Generoso ang ospital na pinagtatrabahuhan ni Corazon.  Nagtuloy siya sa geriatric ward—sa lugar ng matatanda.

Iginala ni Generoso ang tingin. Tingin niya’y marami nang dapat mamatay na hindi pa namamatay.

“Duty po ba si Corazon?” tanong niya sa nasa nurse station.

“Matagal nang sick leave, malubha daw ang sakit, ser.”

Kinabahan si Generoso. Ayaw niyang may grabeng sakit ang babaing nais mahalin.  (ITUTULOY)

 

 

             

Show comments