Dear Vanezza,
Bata pa ako ay hiwalay na ang aking mga magulang. Sumama sa ibang babae ang aking ama at iniwan kami ng aking ina. Galit ang namahay sa aking puso at nasabi ko sa aking sarili na ayoko siyang makita. Lumipas ang maraming taon may natanggap kaming sulat sa kinakasama ng tatay ko. Pumanaw na raw ang tatay ko. Nang dalawin namin ang kanyang puntod nawala ang galit ko sa kanya. Halos ayaw kong umalis sa tabi ng kanyang puntod. Hanggang sa malulong ako sa droga at nakaligtaan ko na ang pag-aaral. Hiniwalayan din ako ng gf ko. Nagkaroon ako muli ng gf na kaklase ko. Naging malapit siya sa akin at binitawan ko ang bisyo. Balik-eskwela rin ako. Ngunit minsan nakita ko siya sa mall at isang lalaki ang lumapit sa kanya at humalik. Hindi ko yun binigyan ng masamang kahulugan. Hanggang isang araw, umiiyak siya na ipinagtapat na buntis siya at hindi ako ang ama. Sa sama ng loob ay muli akong bumalik sa droga. Natuto akong bumarkada at sumama sa pangho-holdap. Hanggang sa mahuli kami at nakulong ako. Sa kabila nun ay hindi ko pa rin siya malimutan at umaasang babalikan niya ako. - Mark, 22
Dear Mark,
Masakit pero mabuting kalimutan mo na siya. Alalahanin mo na siya ang dahilan bakit ka bumalik sa bisyo na humantong sa paggawa ng masama kaya ka nakakulong ngayon. Kung mahal ka niya, bakit nagawa niyang lokohin ka? Magpakabuti ka sa bilangguan para mapadali ang iyong paglaya. Paglabas mo, sikapin mong tumayo mag-isa at huwag nang balikan ang masamang bisyo na dahilan ng pagtahak mo sa maling landas ng buhay. Magbalik ka na lang sa iyong pamilya. Gamitin mo silang gabay sa tunay na pagbabago at saka mo na lang isipin ang paghahanap ng babaeng mamahalin mo nang husto at gagantihan ka naman ng kapantay na pagmamahal at respeto.
Sumasaiyo,
Vanezza