May iba’t ibang problema sa gilagid, ilan sa masasabing pinaka-karaniwan dito ay ang pagdurugo at pagkakaroon ng singaw. Ayon sa mga health care expert, ang pagdurugo ng gilagid ay karaniwang senyales ng pagkakaroon ng gingivitis o pamamaga. Hindi naman ito masasabing peligrosong kondisyon. Dahil nagagamot ang gingivitis. Kailangan lamang na maging maagap para hindi lumala ang pinsalang maaaring idulot nito.
Tinukoy na ang kawalan ng proper oral hygiene at dental care ang pinagmumulan ng gingivitis kaya ang katiyakan ng magkaroon ng wastong kalinisan sa bibig at regular na pagkonsulta sa inyong dentista ang epektibong hakbang para makaiwas dito. Simulan ang regular na pagsisipilyo ng mga ngipin. Gawin ito tuwing matapos kumain. Mag-dental floss araw-araw, para matanggal din ang mga naipit na pagkain o plaque na kumapit sa ngipin. Ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig dahil nakatutulong ito na matangay ang anumang bahagi ng pagkain na posibleng naiwan sa bibig.
Mainam din kung gagamit palagi ng mouthwash para mapuksa ang harmful bacteria sa bibig at maiwasan din ang pagkakaroon ng plaque. (Itutuloy)