UMAGANG-umaga, nagtungo sa lugar nina Dolores si Paolo. Nasa kabilang bahagi iyon ng Lake Camachile.
Nagtanung-tanong siya sa mga bahay-bahay sa tabing-dagat.
“Dolores po ang ngalan. Magandang babae, luma ang hairstyle…”
“Naku, bossing, walang dalaga sa lugar na ‘to. Puro ‘dala na’. Hi-hi-hi!” Malutong ang bungisngis ng aleng napagtanungan ni Paolo.
Pero matiyaga ang binata. Hindi nag-rely sa sagot ng iisa lamang.
Sa barbero naman nagtanong. “Dolores ba ‘ka mo, iho?”
“Opo, ‘Tay. Maganda, matangkad, makaluma ang buhok…”
Saglit na nag-isip ang barbero. Wala namang maisip. “Wala akong kakilalang Dolores, iho. Loreng meron, pero hindi naman maganda, punggok na dilat ang mata.”
Sumabad ang ginugupitan. “P’re, doon sa duluhan—maraming walang asawa doon, may magaganda rin. Baka nando’n ‘yung Dolores.”
Kahit paano ay nabuhayan ng loob si Paolo. Pinuntahan na ang duluhan ng tabing-dagat.
Mga mangingisda ang karamihan sa naninirahan doon. Ang mga misis ay nag-aalaga ng bata kundi man naglalaba o nagbibinggo.
“Mawalang-galang na nga po, misis. May kakilala po ba kayong Dolores na magan--?”
“Du’n sa berdeng bahay,” sagot ng misis, hindi na pinatapos ang pagtatanong ng binata.
Si Paolo naman ay umasam agad, na makikita na rin finally ang misteryosang dalaga.
Pinuntahan ang berdeng bahay, kumatok. Tok-tok-tok.
“Tao po! Dolores? Nandiyan po ba si Dolores?”
Unti-unting bumukas ang pinto. May sumungaw saka lumabas.
“Ako si Dolores. Ano ang kailangan mo?”
Napalunok si Paolo. Napailing. “M-mali po. I-ibang Dolores po ang hinahanap ko. Sorry po.”
Blag. Pinagsarhan siya ng pinto ng matabang ginang, obvious na nainis. Hindi nga ito si Dolores.
NANG gabing iyon, naging saksi ang mga tao sa paligid ng munisipyo sa kababalaghang mula sa lawa.
Doon naman nagpakita ang mga nagmumultong kabaong, nakalutang sa hangin, walang katinag-tinag. (ITUTULOY)