Nakipagkita si KC Concepcion sa mga taga-Star Music PH at sa caption ng lumabas na photo, tila balik-recording na ito.
“She’s back, radiant at ever—and brewing something truly special. Stay tuned for KC Concepcion’s new era in music.”
Nagpahayag ng excitement ang fans ni KC, matagal na nila itong nire-request at hinihintay and finally, heto na. Hindi naman siguro matatagalan ang recording ni KC at wish ng fans, i-release agad ang single para muli raw nilang mapakinggan ang boses ng idolo.
Dahil sa pagbabalik-recording na ito ni KC, may mga sumunod na request ang fans nito. For her to guest in It’s Showtime, sundan ng guesting sa ASAP. Lubus-lubusin na raw ang kanyang pagbabalik, isunod na niya ang paggawa ng teleserye at kahit late na ang paggagawa ng pelikula.
Masaya ang mood ng fans sa balitang ito at sana nga, pakinggan ni KC at maging visible na siya sa telebisyon.
Sofia, unbothered pa rin
Unbothered daw si Sofia Andres sa isyu sa kanila ni Chie Filomeno, nagbakasyon pa nga ito kasama ang family niya sa Dumaguete. Sa reels na pinost ni Sofia, makikitang nag-enjoy sila Sofia, partner na si Daniel Miranda, at anak nila sa kanilang bakasyon na silang tatlo lang yata.
Nabasa namin sa fans, may mango ranch sa Dumaguete ang pamilya nila Daniel o baka ang buong Lhuillier family ang may-ari ng mango ranch. Ang ganda ng place nila, yayamanin talaga.
May mga basher lang na kinukulit ang dalawa kung kailan sila pakakasal? Matagal na raw ang relasyon nila at malaki na ang anak nilang si Zoe, dapat daw kasal na sila. Naging daan tuloy ang isyung kasal para ang followers ni Sofia ang magpuksaan.
Kahit sinabing choice ni Sofia na ‘wag munang magpakasal na binanggit niya sa interview sa kanya ni Karen Davila sa vlog nito, may makukulit pa rin. Gusto pa yatang i-TikTok o i-vlog ni Sofia ang kanyang sagot sa tanong kung kailan sila magpapakasal.
Sa interview kay Sofia Pablo ni Nelson Canlas, nabanggit nito na ang isa sa mga rason kung bakit ginusto niyang maging housemate ng Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2.0 ay para mas makilala siya ng tao.
May misconception daw sa kanya ang tao, negative siguro kaya bothered siya. Binanggit din nito ang isyu na kaya lagi siyang may project sa GMA dahil favorite siya ng network. As in, kapag natapos ang isa niyang project, sandali lang ang ipaghihintay niya at bibigyan na siya ng bagong project.
Sana nga matanong siya ng mga host ng PBB sa isyung favorite siya ng network dahil marami ang nag-iisip at nagtatanong kung bakit nga may TV project na at may pelikula pa si Sofia.
Handa na raw sa 100 days na pananatili sa Bahay Ni Kuya, malaking risk daw ito for her dahil absent muna siya sa klase at iiwan niya ang ka-love team na si Allen Ansay, unless, papasok din sa PBB si Allen.