Keempee, ayaw magkomento sa pepsi...

Keempee

MANILA, Philippines — Sa nakaraang media conference ng bagong afternoon drama ng GMA 7 na Prinsesa ng City Jail, si Keempee de Leon ang isa sa kinuyog ng mga reporter para hingan ng reaksyon sa mainit pa ring isyu ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma.

Kaya naging mainit itong pinag-uusapan dahil sa publicity nito ay idinawit na sina Tito, Vic and Joey. Tahimik lang ang tatlo, kahit nag-ingay na ang anak ni Richie D’ Horsie na kasama rin ang karakter sa pelikula.

Sabi ni Keempee, expected na raw niyang itatanong ito sa kanya pero humingi na ito ng paumanhin dahil wala raw siyang masasabi tungkol diyan.

“Alam ko naman na itatanong yan e. Sabi ko, ano ba naman tong nangyayaring ito, parang ahhh…parang bubuhayin na naman nila yung isyu dati na yung tapos na yun e, na wala namang ebidensya, kesyo ganito, kesyo ganun. So, ako I’d rather stay quiet kasi mahirap kasi e,” sabi pa nito.

Nagtataka lang daw siya bakit kailangan pang buhayin ang matagal nang isyung nanahimik na. “Nung una kong narinig yan, sabi ko, bakit kailangan ba gawin to ano? Dahil ba eleksyon? Tito Sen di ba tatakbo? Tapos, kumbaga nananahimik na pare-pareho, kailangan buhayin yung mga isyung tapos na. Kumbaga, patay na bubuhayin mo pa. Hayaan na natin sa hukay.

“Ako medyo nakakalungkot lang kasi nananahimik na yung mga tao, tapos biglang may pasabog na ganito. Sana alamin muna nila. Wala e, ganun talaga. Ayokong makisali diyan e,” sabi pa ni Keempee de Leon.

Kaya maingat daw siya sa mga sinasabi niya dahil ayaw naman niyang may masabi pa ang Daddy niya. “We’re not talking about anything…kasi recently lang, kailan lang kami nagbati e,” napangiting pakli ni Keempee.

“So, ayokong mabahiran na kailan lang kami, more than 4, 5 years kaming hindi nag-uusap e. Ako na lang talaga ang gumawa ng first move na last year lang yun, father’s day, talagang sinadya ko siya sa Eat Bulaga na…yung humiity ba? Ako na nagpakumbaba, although alam ko may kasalanan din ako.

“Magulang is magulang e. Bali-baliktarin mo man ‘yan, kahit sino man ang may kasalanan, magulang mo pa rin. So, ayokong mabahiran na baka pag-awa­yan pa namin yun,” sabi pa ni Keempee de Leon.

Dalawang actress na dating BFF, friendship over na

Ang ganda nga ng pasok ng taong 2025 kapag nakaka-good vibes ang kuwentong ibinabahagi ng mga kilalang artista, kagaya nitong pagbabati ng mag-amang Joey at Keempee de Leon.

Pero salungat naman ito sa magandang friendship ng dalawang aktres na hindi na nalaman naming hindi na pala sila okay.

Wala kaming ideya kung anong dahilan ng hidwaan nilang dalawa, pero nagulat kami nang nalaman naming nag-iiwasan silang dalawa. May isang party na pareho silang imbitado, pero nang nalaman ni aktres na dadalo itong dating kaibigang isa ring aktres na hindi na gaanong active, ayaw na lang daw niyang tumuloy.

Aalamin pa namin kung bakit nasira ang maganda nilang friendship na nauwi sa iwasan at dedmahan.

Show comments