Hawks lumipad sa semis
NEW YORK — Naglista si point guard Trae Young ng 22 points at 11 assists para tulungan ang Atlanta Hawks sa 108-100 pagpapabagsak sa Knicks patungo sa NBA Cup semifinal round.
Umiskor si De’Andre Hunter ng 24 markers, habang may 21 points, 15 rebounds at 7 assists si Jalen Johnson para sa panalo ng Atlanta (14-12).
Nauna na nilang pinatalsik sa torneo ang defending champion Boston Celtics at ang NBA-leading Cleveland Cavaliers sa group play papasok sa knockout stage bilang No. 3 seed sa East.
Lalabanan ng Hawks sa NBA Cup semis sa Las Vegas, Nevada ang top-seeded Milwaukee Bucks.
Nagtala si Josh Hart ng 21 points at kumolekta si center Karl-Anthony Towns ng 19 points at 19 rebounds sa panig ng New York (15-10).
Kinuha ng Knicks ang 66-62 abante bago bumira si Young ng walong sunod na puntos sa panig ng Hawks.
Kumonekta naman si Hunter ng isang three-point shot bilang bahagi ng 11-0 atake para ilista ang 73-66 kalamangan ng Atlanta.
Sa Houston, isinalpak ni Fil-Am Jalen Green ang dalawang free throws sa huling 3.5 segundo ng laro para banderahan ang 91-90 pagtakas ng Rockets (17-8) sa Golden State Warriors (14-10).
Sasagupain ng Houston sa NBA Cup semis ang Oklahoma City Thunder.
- Latest