MANILA, Philippines — Inilunsad ng dating Idol Philippines season 2 contestant na si Ann Raniel ang kanyang unang Christmas single na Paano Ngayong Pasko sa ilalim ng StarPop.
Unang inawit ni Ruiz Gomez ang awitin na hatid ang kwento ng sakripisyo ng mga taong malayo sa kanilang pamilya sa panahon ng kapaskuhan. Isinulat ito ni Perry Lansigan at iprinodyus ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Nakilala si Annrain nang sumali siya sa Idol PH season 2 kung saan napabilang siya sa top 5 finalists. Pinahanga niya ang mga hurado at manonood sa performance niya ng Orange Colored Sky, Till My Heartaches End, at The Power.
Nitong nakaraang taon, inilunsad ni Annrain ang kanyang debut single na Bakit Ka Bumitaw na umarangkada sa Spotify Philippines Fresh Finds playlist. Naging bahagi rin siya ng Philpop Himig Handog kasama sina Geca Morales at Lyka Estrella para sa awitin na Langit Lupa.
Napapakinggan ang Paano Ngayong Pasko ni Annrain sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter, Instagram at TikTok.