Nanindigan sa ikalawang pagkakataon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa una nitong desisyon na bigyan ng X rating ang pelikulang Dear Santa na dating Dear Satan (starring Paolo Contis) ang pamagat.
Ibig sabihin ng X ay hindi ito pwedeng ipalabas sa mga sinehan matapos na ito’y makitaan diumano ng pag-atake sa paniniwala at relihiyon, partikular sa simbahang Katolika at ng iba pang Kristiyano.
Isinagawa ang ikalawang ribyu noong Setyembre 5.
Sa unang ribyu, na-X ang Dear Satan dahil sa paglabag nito sa Presidential Decree No. 1986, Chapter IV, Section F, Subsection (c). Alinsunod sa naturang probisyon, hindi pinapahintulutan ng MTRCB ang pagpapalabas ng pelikula, programa sa telebisyon o anumang katulad na pampublikong materyal o patalastas kung “Ang pelikula ay malinaw na naglalaman ng pag-atake sa anumang lahi, paniniwala o relihiyon.”
Nakitaan din daw ng Komite ang pelikula ng baluktot na paglalarawan kay ‘Satanas’ na taliwas sa mga turo ng simbahang Katolika at ng Kristiyanismo. Mapanlinlang ang depiksiyon kay Satanas at puwedeng malihis ang landas ng mga manonood katwiran pa ng nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Nilinaw ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio na ang Committee system ang siyang masusing nagriribyu ng mga pelikula.
“Kami sa MTRCB ay tapat na sumusunod sa mandatong kaloob ng PD No. 1986 na kailangang balansehin ang umiiral na kultura at moralidad ng mga Pilipino,” sabi ni Sotto-Antonio.
Iginiit niyang kaisa lagi ang ahensya para sa pangkalahatang tagumpay ng idustriya ng pelikula at telebisyon ayon sa mga umiiral na mga batas sa bansa.
Kasong cyber libel ni Bea Alonzo sa dating kasambahay, ibinasura na agad
Binasura pala ng Quezon City Prosecutors Office ang isinampang Cyber Libel ni Bea Alonzo sa misis ng kanyang dating driver na diumano’y pinagbintangan nitong source ng mga kumalat sa kanyang kontrobersiya particular na ang diumano’y hindi niya pagbabayad ng SSS at Philhealth contribution para sa mga kasama sa bahay.
Ayon sa prosecutor, kulang sa ebidensiya ang isinampang kaso ni Bea na Phylbert Angelli E. Ranollo ang pangalan sa totoong buhay.
Signed ang dismissal paper ni Assistant City Prosecutor Virgel Amor Ordono Vallejos and recommending prosecutor Nerissa Rhona Zamora-Amoroso (Senior Assistant Prosecutor).
Naunang kinasuhan ni Bea ng online libel ang veteran showbiz journalist and digital talk show host na si Cristy Fermin.
Kim, nanggulat sa contentasia
Tatlong parangal ang nasungkit ng ABS-CBN sa ContentAsia Awards 2024 na ginanap sa Taipei, Taiwan noong Huwebes ng gabi (Sept 5).
Panalo bilang Best Asian Short-Form Drama/Series ang youth-oriented show ng ABS-CBN Studios na Zoomers, na pinangunahan nina Criza Taa, Harvey Bautista, at iba pang young Kapamilya stars. Tinanggap ni Theodore Boborol, ang creative producer ng show ang tropeo.
Nasungkit naman ng A Very Good Girl, na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon, ang Bronze para sa Best Asian Feature Film/Telemovie.
Wagi rin si Arjo Atayde bilang Best Male Lead in a TV Programme/Series para sa kanyang pagganap bilang Anton dela Rosa sa Cattleya Killer.
Nasa awarding ceremony rin ang Linlang stars na sina Kim Chiu na superstar ang pakilala ng host at Kaila Estrada, na nominado para sa Best Female Lead in a TV Programme/Series at Best Supporting Actress in a TV Programme/Series. Sila ang award presenters para sa mga kategoryang Best Asian Drama Series Made for a Regional/International Market at Best Drama Series for a Single Market in Asia.
Kilalang-kilala nga si Kim sa Taiwan na ang sexy sa kanyang black gown.
“What an amazing experience to be in one room with all the creatives, directors, actors, actresses, producers, channel heads, and many more across Asia. Representing the Philippines is something I didn’t think would happen in this lifetime. Thank you, #ContentAsiaAwards2024, for the nomination. ?? It is my first time being recognized as an Asian actress,” masayang post ni Kim.