Jinggoy, nangatwiran sa maangas na pagtatanong

Jinggoy

Pinag-uusapan pa rin ang panawagan ni Karen Davila sa mga senador na huwag namang mag-victim shaming. Sa tingin niya ay parang wala sa ayos ang ginawang pagtatanong kina Sandro Muhlach at Gerald Santos noong nakaraang hearing ng senado.

Umani rin ng matin­ding bashing si Senador Jinggoy Estrada dahil sa paangas nga raw niyang pagtatanong sa mga biktima. Pero nagpaliwanag si Senador Jinggoy, ang gusto lang nila ay lumabas ang katotohanan sa kanilang imbestigasyon para mas matukoy nila kung anong mga bahagi ng umiiral na batas ang dapat nang amyendahan o kung may mga bagong batas na kailangan ngang gawin. Inamin niyang iyon ang dahilan kung bakit kung minsan ay naiinis siya sa paliguy-ligoy pang pagsagot sa mga tanong. Naiinis din siya sa mga diretsahang nagsisinungaling.

“Actually nag-iimbestiga lang naman kami dahil alam naming marami na ngang dapat baguhin sa ating penal code, marami na ring dapat silipin sa civil code at sa batas laban sa pang-aabuso. Noong may mangyari kay Sandro, at kami naman ay naniniwalang may nangyari nga naisip naming ito ang pagkakataon para mas malaman natin kung ano ang dapat baguhin sa batas, hindi lamang mapatawan nang mas mabigat na parusa ang mga nang-aabuso kundi para maiwasan nang may maabuso pa ulit, at gusto naming gawing madali ang pagsasampa ng kaso sa mga abusado. Taga-showbusiness ako eh, at alam kong matagal nang nangyayari iyan, pero bihira ang nagrereklamo, ngayon gusto naming malaman kung bakit hindi sila nagrereklamo, at gusto naming gawing madali para sa kanila ang magsampa ng reklamo kung naabuso sila.

“Wala akong intensiyong takutin ang mga biktima. Takot na nga e tatakutin mo pa ba? Ang gusto ko lang sagutin na nang diretsahan ang mga tanong sa kanila,” sabi pa ng senador.

“Ang totoo nagugulat ako e, hindi na sila nangilag kahit alam nila malaking pamilya sa showbusiness ang mga Muhlach. Doon sa Gerald Santos siguro malakas ang loob ng abuser dahil bata, wala pang kamag-anak sa showbusiness. Talagang baguhan. Pero si Sandro tinalo pa?

“Kung nagawa nila iyan sa isang Muhlach, baka magawa na rin sa isang Estrada o isang Padilla, o kahit na sa isang Revilla pagdating ng araw. Kaya nga iyang mga ganyan ayaw na nating maulit kaya kailangan natin ang isang mas mahigpit na batas at tinitiyak ko na magpapasa kami niyan,”sabi pa ng Senador.

Samantala hiningi namin ang opinion ng isang abogado tungkol sa mga pangyayari, pero ayaw niyang pangalanan siya.

“Depende sa ebidensiyang ihaharap halimbawa nagkaroon ba ng lacerations iyong bata. Kung nangyari ang ganoon tagilid na ang mga suspects. Pero sa ngayon hindi na rin kailangan iyon, iyon lang sabihin ng biktima na pinilit siya sexual assault na iyon. Kung ano pa ang ginawa nila bukod sa pamimilit, mas matinding usapan iyon,” sabi ng aming source.

Free TV, nasapawan nina Carlos at Sandro

Bahagyang bumaba ang ratings ng mga noontime at afternoon programs ng lahat ng istasyon at sa obserbasyon ng marami, iyon ay dahil mas nakatutok ang mga tao sa imbestigasyon sa ibang pangyayari tulad ni Carlos Yulo at ang kaso ni Sandro Muhlach sa Senado kaysa sa mga drama sa TV.

Hindi naman isa o dalawa lang ang apektado, lahat ng programa ay apektado sa ratings.

Katunayan iyan na mas gusto talaga ng tao ang tsismis.

Show comments