KimPau, panay ang ayuda sa fans

KimPau
STAR/File

Sagana sa ayuda ang KimPau fans nina Kim Chiu at Paulo Avelino na magkasama sa Dubai para sa Kapamilya Kalayaan Karavan.

May photo na mini-make up-an ni Kim si Paulo na ang caption ay “Thanks Sec Kim,” at ang mga comment, papunta na sa pagiging mag-asawa ng dalawa.

Wife material daw si Kim, kaya payo nila kay Paulo, ‘wag nang pakawalan ang leading lady.

‘Yung isang fan, tinawag si Kim na “Mrs. Kimberly Chiu-Avelino” na para bang sigurado siyang sila ni Paulo ang endgame.

May comment pa na “Grabe talaga si wife mag-alaga,” at ‘yung isa, parang sigurado na sa comment na “Perfect husband and wife.”

Pagbalik nila ng bansa, ang fans naman nila rito ang kanilang pakikiligin dahil may mall show sila sa Market! Market sa June 15. Para ito sa What’s Wrong with Secretary Kim at ang Viu streaming platform ang nasa likod ng mall show.

Iwa, natuwa sa annulment nina Jodi at Pampi

Kabilang si Iwa Moto sa nag-comment sa post ni Jodi Sta. Maria na annulled na ang kasal nila ni Pampi Lacson. Sabi lang ni Iwa, “Let’s celebrate love you amor!”

Si Iwa ang partner ni Pampi ngayon at maganda ang relasyon nina Jodi at Iwa at, Jodi at Pampi. Pati mga anak nila, very close at close rin si Iwa sa anak nina Jodi at Pampi na si Thirdy. Ang ganda siguro kapag nag-celebrate sila sa pagkakawalang-bisa ng kasal nila ay kasama nila ang kanilang mga anak.

Maganda ang pangyayaring ito na annulled na ang kasal nila dahil puwede nang magpakasal sina Iwa at Pampi. Puwede na ring magpakasal in the future si Jodi kung sinuman ang kanyang mamahalin.

Nabasa namin ang mga pangalan nina Iza Calzado, Roderick Paulate, Rita Avila, Sunshine Cruz, Gabbi Garcia, at Coney Reyes na nagpahayag ng saya sa magandang balita na ito. Thirteen years palang hinintay ni Jodi na mapawalang bisa ang kasal nila. Kung may divorce na sa bansa, hindi aabot ng ganu’n katagal bago napawalang-bisa ang kasal nila.

Beauty, pinasalamatan ni Max!

Maganda ang relasyon nina Beauty Gonzalez at Max Eigenmann at nina Max at ex-partner niyang si Norman Crisologo. Puwede silang magsama-sama sa isang okasyon na pare-parehong nakangiti at walang isnaban at hindi rin siguro magkakalayo ang mga upuan.

Si Beauty ang wife ni Norman ngayon na ama ng anak ni Max na si Massi at magkakasama sila, pati ang anak nina Beauty at Norman na si Olivia sa graduation ni Massi. Sa photos na lumabas, sama-sama rin sila na pawang nakangiti.

Pinasalamatan pa ni Max si Beauty sa mga video nito sa graduation ng anak. Sabi pa nito, “Thank you for capturing this, @beauty_gonzalez. I truly appre­ciate you and your love for Massi.”­

Natuwa ang netizens dahil madalang daw makakita ng ex-couple na okay pa rin ang relasyon at lalo na, okay ang relasyon ng mga babaeng nagmahal sa isang lalake. Sa kaso na ito, si Norman na unang minahal ni Max at mahal na ngayon ni Beauty.

Anyway, na-share ni Beauty na nag-First Communion na ang daughter nila ni Norman na si Olivia. Mas excited pa raw silang parents at ang dress ni Oli­via ay sa Spain pa nila binili. Ang veil naman nito ay galing sa collection nila at binanggit na “from the turn of the century we’ve had in our collection for years.”

Show comments