MANILA, Philippines — Labis na pinag-usapan at ikinagulat ng mga manonood ang finale ng Can’t Buy Me Love kung saan ibinunyag na ang karakter ni Kaila Estrada na si Bettina, ang killer ng nanay ni Caroline (Belle Mariano) at pati ang buong cast ay walang alam hanggang sa mga huling araw ng taping.
Sa nakalipas na pitong buwan, iba’t ibang teorya at hula ang nagawa ng netizens sa totoong katauhan ng killer ng serye at hindi naman sila nabigo sa pinakitang pagganap ni Kaila sa finale. Malaki ang pasasalamat ni Kaila sa nasabing plot twist at magandang ending para sa kanyang karakter.
“Nagulat din ako. It was quite an interesting experience since we did not know what would happen until a few days before we shot the ending. I did not know Bettina was the killer,” sabi niya.
Ibinahagi rin ni Kaila ang makabagong paraan na ginawa ng production team ng serye na inilihim sa kanila kung sino ang tunay na pumatay kay Divine (Shaina Magdayao).
“For the finale week, we did not have a copy of the final script. Ganun siya ka-secret. We would show up sa taping and ibibigay ‘yung sequences that day at doon na rin namin babasahin. It was a completely different way of working, and I felt it added to the suspense. Naging sobrang raw din ng emotions ng lahat at high stress. I think it worked well,” saad niya pa.
Bilang isang middle child tulad ni Bettina, naging malapit sa kanya ang karakter. Masaya rin siya na maraming manonood ang naka-relate sa kanyang karakter.
“I guess with her last monologue, I can relate to some of her lines, being a middle child myself. Sobrang natuwa rin ako when I received tweets that they could relate to Bettina and what she was going through, especially some people said that hearing that or watching that scene healed their inner child. It feels so good, and it is something that I’m proud of, and I’m so happy to be given that opportunity to do that,” pagbabahagi niya.