‘Yung isang comedian na noon ay sumosyo na rin sa isang watering hole business, na napasara dahil diumano ay napag-initan dahil sa suspetsang sa mismong club nila ay nagkakapasahan ng droga ay pumasok na naman pala sa ganoon ulit na negosyo. Itinayo raw ang club sa isang city sa Manila at kahit na bago pa lang may tsismis na agad, istambayan daw iyon ng boys na available for car fun.
Aywan kung ano ang mangyayari riyan dahil kung ganyan na ang mga istambay diyan hindi malayong magkakaroon din ng droga riyan.
Kiko, pikon na!
Napika na siguro si Kiko Pangilinan sa mga sinasabi sa kanya sa social media kaya nagpasya siyang magdemanda laban sa isang vlogger sa YouTube, at ganoon din laban sa platform ng YouTube at Google. Gusto niyang ilabas ng platform ang identity ng vlogger para masampahan nga naman ng tamang demanda.
Iyan ang sinasabi na namin noon pa.
Ang vloggers ay hindi naman mga professional na peryodista.
Ang social media, matagal na naming sinasabi ay hindi freedom of expression, hindi lehitimo, halos walang trace. Kaya ang daming cyber libel cases na walang nangyayari.
Malalagay lamang sa record na nagdemanda kayo pero mapaparusahan ba iyang mga ganyan? Iyong mga artista lamang kung siraan ng ibang vloggers na iyan eh pero may magagawa ba sila?
Parang ang hangad lang nila ay makagawa ng content totoo man o hindi, basta may mailabas lang sila at may pagkakitaan kahit na barya-barya lang.
Kapamilya reporter, muntik maging jobless
Natawa kami sa post ng isa naming kaibigan na host at reporter na si Jeff Fernando ng ABS-CBN. Isang taon na raw ang nakararaan ipinatawag sila ng Tape Inc. ng mga Jalosjos at inalok sila ng trabahong tumulong sa pagre-reformat ng noon ay Eat Bulaga. Mukhang ang gusto raw ng mga Jalosjos ay marebolusyon ang show dahil may sinasabi pa nga raw na bukod sa napakalaki ng cost of production, maraming perang nawawala at disbursements na hindi nila maintindihan kung para saan.
Pero dahil sa mga beterano na rin sa telebisyon, sinabi raw nila na ang problema kung ganoon ay wala sa show kundi sa pagpapatakbo ng show.
Bakit hindi malinaw ang disbursements? Ano ang kinalaman ng show doon?
Pero siya raw, sabi ni Jeff, desidido na siyang huwag tanggapin ang offer. Hindi na rin naman daw tumawag at iba na ang kinuha.
Ang tanong lang ni Jeff ngayon, kung pumayag daw kaya sila sa kagustuhan ng mga Jalosjos noong araw, at tinanggap nila ang trabaho, di lalabas na jobless na sila ngayon?
Eh ano pa nga ba, hindi mo na mababago ang kapalaran ng show na iyan dahil mali nga nga ang panibagong simula, at nangyari iyan dahil ang mga pumasok ay mga pulitiko na hindi naman sanay sa mga kalakaran ng industriya ng telebisyon.
Ang tatay nila, big man ng industriya, isa sa pinakamagaling sa marketing sa telebisyon, pero hindi namamana ang ganun.
Kaya naganap ang masaklap na ending ng kanilang programa.