Shooting sa abroad nila ate vi, nagkaproblema sa mga papeles!
Kung noon wala nang tinatanong ang Vilmanians kundi kung kailan nila makikita si Ate Vi (Vilma Santos) at kung kailan siya gagawa ng pelikula, ngayon naman siguro ay bawing-bawi na sila. Hindi lang isa, kundi magkasunod pang pelikula ang gagawin ng aktres, bukod pa nga sa kanyang vlog at endorsements lately.
Ngayon talaga ngang masasabing visible na siya ulit, kasi wala na siyang ibang iniintindi at nakalipas na rin naman ang iniiwas-iwasan niyang COVID.
Medyo nagkaroon lang ng kaunting problema ang mga travel at working papers kaya nga delayed na naman ang shooting nila sa Japan.
Hindi sila sabay-sabay aalis. Pero siguro nga raw by the end of the month, ok na lahat.
Para naman kay Ate Vi ok lang iyon, at least humaba pa ang kanyang panahon sa paghahanda.
Ikinatutuwa rin niya ang magandang feedback sa mga tinanggap niyang proyekto, at siyempre ang pinaka-positive doon iyong sinasabi ng mga tao na after all these years, parang hindi siya tumanda. At mapapansin ito sa kanyang kilos at natural na ganda hanggang sa ngayon. “Wala naman tayong sikreto riyan. Clean living at disiplina lang. Ang naging problema lang sa akin noong araw iyong insomnia, na kung iisipin mo galing din kasi sa shooting ng mga pelikula. Noon kasi ang karaniwang shooting gabi para tahimik na, maiwasan ang malalaking crowd at tahimik na ang paligid. Ngayon ang maganda hindi na problema iyon dahil talaga namang idina-dub na ang mga pelikula. Minsan na lang talaga gumagamit ng wild sounds. Otherwise wala naman akong naging mabigat problema,” sabi ni Ate Vi.
Kung tutuusin, hindi siya talagang ang hitsura ay matandang-matanda na at inaakay pa.
Apektado ang career...
Nagulat kami sa biglang pag-amin ni Klea Pineda na siya ay “gay” o isang lesbian. Ipinakilala pa niya sa publiko ang kanyang girlfriend na si Katrice Keirulf.
Kung iisipin ok lang naman iyon at karapatan niya iyon. Hindi naman dapat na i-discriminate si Klea dahil lang sa kanyang sexual preference, pero aminin natin dagok ‘yan sa kanyang career.
Parang lahat ng lesbian na nag-out sa show business nawala ang popularidad. Isang magandang example si Charice Pempengco na sikat na sikat noong araw, ano ba ang nangyari sa kanyang career matapos na maging Jake Zyrus?
Si Aiza Seguerra rin, sikat noong araw. Noong maging “Ice” bumaba na rin ang popularidad.
Hindi naman sa lahat, pero mukhang sa local showbiz, hindi pa handa ang publiko sa mga bagay na iyan.
Bagama’t malakas na ang kampanya sa Pilipinas para sa gay equality, hindi pa rin nababali rito sa atin ang mga tradisyonal na paniniwala. Sinasabi nilang napakalakas pa rin ng impluwensiya ng relihiyon sa kulturang Pilipino.
Huwag naman sana, pero tingin namin mas bababa pa ang popularidad ni Klea kaysa sa dati.
Mga baguhan, binubudol ng organizers ng mga show sa probinsya!
Kawawa rin ang mga baguhan. Pinaniniwala silang kailangan nilang gawin ang ganoon para sila mapansin at sumikat, tanggap sila nang tanggap ng personal appearances kahit na sa malalayong probinsiya. Pero ang raket pala roon, wala naman silang natatanggap na talent fee.
Hindi puwedeng may show na walang bayad. Parte iyan ng promotions ng mga mall.
Tiyak iyan kumikita riyan iyong organizers na siyang tumatanggap ng bayad at hindi naman nagbabayad sa talents.
Hanggang ngayon pala may mga ganyan pang raket.
- Latest