Birthday kamakalawa ng comedy king na si Mang Dolphy. Siyam na taon na ang nakararaan matapos na siya ay yumao, walang naglakas-loob na sabihing sila na nga ang kapalit ng yumaong comedy king.
Si Mang Dolphy ay hindi lamang institusyon, siya ay isang legend.
Matagal na ring pinag-uusapan na dapat na noon pa naideklara bilang isang national artist, lalo’t kung iisipin ang dami niyang nagawang magagandang pelikula na sa loob ng maraming taon na nagbigay kasiyahan sa publiko at bumuhay sa industriya ng entertainment sa ating bansa. Aywan nga ba kung bakit may tumatanggi daw na siya ay i-nominate.
At dahil hindi naman siya maaaring ideklarang national artist ng sino mang pangulo kung hindi siya nominated ng CCP (Cultural Center of the Philippines) at NCCA (National Commission for Culture and Arts), ginamit ng dating presidente Noynoy Aquino ang “presidential prerogative” para igawad kay Mang Dolphy ang Order of the Golden Heart, ang pinaka-mataas na karangalang maaaring igawad ng Pangulo ng Pilipinas sa isang pribadong mamamayan.
Sa Roxas Boulevard, nagpatayo rin ng isang monument bilang parangal sa hari ng komedya ang noon ay mayor na si Alfredo Lim, sa harap mismo ng Museong Pambata.
Aywan kung sinadya rin nila bilang parangal sa kanya, pero nang magbukas kami ng tv noong Linggo ng gabi ay palabas ang pelikula si Mang Dolphy, ang Markova, na hindi namin napanood nang ipalabas sa mga sinehan ilang taon na ang nakararaan.
Sa buong pelikula, noon lamang nangyari na ang king of comedy ay hindi nagpatawa, kundi nag-drama, katunayan ng kanyang kahusayan bilang isang actor.
Kinabukasan, maraming balita na maraming mga tagahanga ni Mang Dolphy ang nagsikap na mapuntahan siya sa kanyang libingan para mag-alay ng panalangin at bilang katunayan ng kanilang pag-alaala sa isang legend ng pelikula, na sa palagay namin ang parangal sa kanya ay kailangang higit pa roon.
Naalala nga namin ang madalas na sinasabi ni Congresswoman Vilma Santos tungkol kay Mang Dolphy. “Ikatutuwa ko talaga kung si Mang Dolphy ay maging national artist, dahil dapat mas mauna siyang makatanggap ng karangalang iyan bago ang sino man sa amin,” sabi ni Ate Vi.
May sinasabi rin noon ang yumao na ring Master Showman, si Kuya Germs, na agad ding nagparangal kay Mang Dolphy sa sinimulan niyang Walk of Fame, “iwanan mo si Dolphy sa mga usapan, para kang nagkuwento ng Hollywood na wala si Charlie Chaplin.”
Entertainment industry lugmok na sa pandemya
Pumanaw na pala ang stand up comedian na si Marvin Martinez na lalong kilala sa alyas niyang “Ate Shawee” at nanghihingi na sila ng tulong pinansiyal para sa kanyang pagpapagamot.
Maging character actor na si Ping Medina, inaming bagsak ang kanyang kabuhayan kaya humihingi rin siya ng tulong financial sa mga kaibigan niya at balak na raw niyang umuwi sa probinsya at magtanim na lang ng gulay.
May isa pang director daw ng indie, tinamaan daw ng covid at kailangan na rin ng ayuda sa kanyang pagpapagamot.
Balitang napakaraming artista na ang nagdaraan sa paghihikahos dahil lugmok na ang entertainment industry sa ating bansa dahil sa pandemya, at marami sa kanila ang wala nang pinagkakakitaan.
Showbiz gay, bina-blackmail ng dating male bold star
Natakot din ang isang showbiz gay. Nag-message raw sa kanya ang isang dating male bold star, at ang sabi “bigyan mo ako ng 10K lang, kailangang-kailangan ko. Ipa-money transfer mo sa totoo kong pangalan”. Sumagot naman daw ang bading “walang taong basta magbibigay sa iyo ng ganyan kalaking halaga. Pandemya ngayon at lahat ng tao hirap na sa buhay.”
Binalikan daw siya ng message ng male bold star na nagsasabing “gusto mo ibulgar ko kung sinu-sinong artistang lalaki ang hinalay mo, kabilang na ako? Subukan mong huwag magbigay kahit na magkano, ibubulgar ko ang baho mo,” sabi pa raw nito.
Blackmail.