Grupo ng models at hunk actor nag-enjoy sa pool party

Walang mask at social distancing, di nahuli

MANILA, Philippines — Kung hindi nakalusot si KC Montero at mga kasamahan nito sa kaso ng social distancing  kung saan nahuli silang nagpa-party sa Makati, lusot naman ang isang grupo ng ­mo­­­­d­els at ilang kaibigan nitong si hunky commercial model kasama pa ang guwapong hunk actor na galing sa isang star search ng isang malaking TV network.

Itong si hunky model daw ang nagpa-pool party sa isang condo unit sa BGC at keber sila sa social distancing at hindi nag-iingat na baka isa sa kanila ay mahawa o makahawa sa COVID-19.

Swimming, inuman galore na talagang nag-enjoy sila sa tunggaan ng alak sa iisang baso lang.

Nakikita sa mga ipinu-post sa kanilang social media account na tabi-tabi sila, walang isa mang naka-face mask sa kanila na akala mo nga throwback na kuha iyun.

Walang nakapag-tip sa mga kapulisan kaya nag-enjoy sila nang bonggang-bongga sa pool party na iyon.

Base sa litratong nai-post sa IG ni hunky commercial model, mga 15 silang nag-enjoy sa party na iyon at kapansin-pansing nandoon itong si guwapong hunk actor na unti-unti na sanang nabigyan ng magandang break ng TV network na nag-alaga sa kanya.

Matagal nang natsitsismis si hunk actor na naging dyowa-dyowaan ng mga mayayamang bading, pero unti-unti na itong nakakalimutan dahil umu-okay na ang kanyang TV career.

Sana nag-ingat ingat naman siya dahil hindi rin maganda ang record nitong hunky commercial model na kasama niya sa party na iyon.

Minsan ay na-involve sa hulihan sa droga itong si hunky commercial model at na-link din sa isang guwapong aktor na matagal nang pinagdudahan ang pagkalalaki.

Nakarating kaya sa management group ng guwapong hunk actor ang mga pinagkakaabalahan niya ngayong hindi pa sila nakakabalik sa trabaho?

Kapamilya talents nagpapakumbaba 

Hindi matapang. Hindi palaban ang karamihang ipinu-post ng mga Kapamilya talent sa kanilang social media account kaugnay sa hinihinging franchise ng ABS-CBN 2 mula sa Kongreso.
Itong linggong ito na ang pinakakaabangan dahil magbobotohan na ang nasa Committee kung bibigyan ba ng franchise ang ABS-CBN 2 o hindi.

Kapag nakalusot ito sa committee members, idadaan sa plenary at pagkatapos nito ay sa Senado, at iaakyat na kay Pres. Rodrigo Duterte para sa kanyang pirma.

May mga nagsindi ng kandila, may mga nagda­rasal, nagpu-post na sinasabing deserve ng Kapamilya network na magkaroon ng franchise. Ang iba naman ay nakikiusap na sana ay mabigyan sila ng pagkakataong makapagbigay ng entertainment at makapagsilbi sa sambayanang Pilipino.

Kung nagkaroon man ng pagkakamali, sana mabigyan daw ng pagkakataong mabago ang pagkakamaling iyon.

Kahit hindi naman ako naiimbitahan sa mga event ng ABS-CBN 2 at nasa GMA 7 naman talaga ang puso ko, isa rin ako sa umaasang hindi matutuluyan sa shutdown ang Kapamilya network.

Alang-alang sa sambayanang Pilipino, kailangan nilang makahanap ng mas maraming mapipiliang entertainment sa TV.

Ang TV ang sinasabi nga nilang cheapest form of entertainment, malaking bagay na marami tayong mapapanood sa gitna ng pandemyang ito.

Sana makarinig naman tayo ng magandang balitang magkakaroon na ng franchise ang ABS-CBN 2.           

Show comments