Wala na ang actor na si Menggie Cobarrubias. Siya ay pumanaw kahapon Marso 26 ng madaling araw. Noong sinundang gabi, nagpahayag pa siya sa kanyang social media account ng salitang “goodbye”. Sinabi niyang hirap na hirap na siya. Siya ay nag-positibo sa Covid19.
Tinangka pa rin siyang iligtas ng mga doctor. Ipinasok siya sa ICU noon mismong oras na iyon, at maraming mga kaibigan niya at kasamahang artista ang nanawagan ng panalangin para sa kanya. Pero sinasabing noong madaling araw na ay nagkaroon siya ng cardiac arrest na tuluyan niyang ikinamatay.
Covid19 pa rin ang itinuturing na culprit, dahil sa sakit na iyan ay nagbabara ang bahagi ng baga, nahihirapang huminga ang may sakit at natural hindi na siguro nakayanan ng kanyang puso.
Kasabay noon, namatay na rin si Dr. Sally Gatchalian, ang presidente ng Philippine Pediatric Society, na kapatid ng komedyante at Eat Bulaga host na si Ruby Rodriguez.
Kagaya ng ibang Covid19 patients, namatay sina Dr. Sally at Menggie na walang kasama at nag-iisa.
Anne, blessing in disguise ang panganganak sa Australia
Pamilya ang dahilan at napili ni Anne Curtis na manganak sa Melbourne, Australia. Siguro nga unang-una, parang mas sanay siya roon kahit na sabihing sa Pilipinas na nga siya lumaki. Siguro napagpayuhan din siya ng tatay niya na mas moderno ang medical facilities sa Australia kaysa sa Pilipinas, bukod nga sa pribilehiyo ng kanyang anak na si Dahlia Amelie na magkaroon ng dual citizenship dahil doon nga ipinanganak.
Pero siguro masasabi ngayon na talagang wise decision iyon, dahil sa pagsabog nga nitong Covid19 dito sa ating bansa. Mayroon din namang ganyang sakit sa Australia at sinasabi ngang mas grabe pa ang naging tama sa bansang iyon, pero ang problema sa kanila ay hindi kagaya dito sa atin.
Hindi gaya dito na puno na ang mga ospital nating pribado at ayaw nang tumanggap ng mga pasyenteng may Covid19 ngayon. Dito sa atin aminado ang gobyerno na kulang sa testing kits kaya hindi makapagsagawa ng mass testing na siyang kailangan sana. Nangangamatay na nga ang mga doctor mismo dahil wala rin silang protective suit, at iyong iba ni hindi mabigyan ng face masks. Sa Australia, walang ganyang problema, kaya mas ligtas sila roon lalo na ang kanilang bagong panganak na baby. Isa pa, makakauwi ba sila rito eh lockdown na nga.