Agsunta may all-original EP na!

MANILA, Philippines — Mula sa paggawa ng viral song covers, nakabuo na ang Pinoy pop rock band na Agsunta ng all-original EP na tinawag nilang Feels Trip, ito ang unang handog nila ngayong 2020 sa ilalim ng DNA Music.

“Maraming feels na mararamdaman dun sa six songs. Para siyang biyahe ng emotions eh, may malungkot, may masaya, may galit,” sabi ng banda.

Anim na orihinal na kanta ang bumubuo sa EP, kabilang na ang Bagong Umaga, Alas Dose, Kung ‘Di Na Ako, Liwanag, Lokomotor, at Hayskul Hits.

Produkto ito ng pagpirma ng banda sa record label noong isang taon, matapos ang maikling pahinga mula sa pagpe-perform.

December 27 naman nang ilabas nila ang Hayskul Hits, isang awitin tungkol sa makulay na buhay-high school, na siya ring kumumpleto sa EP.

Noong nakaraang taon din ginanap ang first major concert ng banda, ang Agsunta Feels Trip, kung saan inawit nila ang kanilang mga hugot song at acoustic hits.

Sa darating naman na Sabado (January 25), makikibahagi ang Agsunta sa isang benefit gig sa Jesus Our Hope International Assemblies sa Cubao, Quezon City para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal, kasama ang ilan pang OPM artists gaya ng SUD at Mayonnaise.

Simula palang ito ng magagandang proyekto ng banda, dahil gagawa rin sila ng panibagong EP ngayong taon. Isa lang sila sa OPM artists sa ilalim ng DNA Music, isang record label ng ABS-CBN Music na hanga­ring mapasigla ang industriya ng pagbabanda at suportahan ang rock at alternative artists.

Pakinggan ang Feels Trip EP ng Agsunta sa lahat ng music streaming sites, at abangan ang iba pang mga proyekto nila ngayong 2020.

Show comments