Dedma muna sa showbiz Diego mag-aaral ng pagdidirek sa Sydney
Kahapon ay nagkasabay kami ni Teresa Loyzaga sa DARE Clinic ni Dra. Jean Marquez sa Timog Avenue, Quezon City.
Nakatsikahan ko si Teresa tungkol sa anak na si Diego Loyzaga.
Ok na raw ang kanyang anak. Marami nga raw ang gustong kumuha rito, pero marami pa raw munang gustong gawin si Diego.
Gusto raw mag-aral ng binata ng Arts and Directing.
Aalis nga raw sila pa-Sydney, Australia ng December 20 or 21.
Inaayos pa raw nila ‘yon. “Actually, pati sina Bing (Loyzaga, her sister), Janno (Gibbs) and their children, pupunta rin ng Sydney. Magkakasama-sama kami,” sabi ni Teresa.
Babalik daw si Teresa ng January 10, pero si Diego, maiiwan muna sa Australia.
Pinag-iisipan daw ni Diego kung ilang buwan or one year ang course na pag-aaralan.
Sa ngayon nga raw, maraming mga gustong gawin si Diego at supportive sa anak si Teresa.
Masaya rin siya at marami talaga ang gustong tumulong kay Diego para magpaka-active uli sa showbiz, pero baka priority nga raw muna ang plano nitong pag-aaral.
Sabi ko kay Teresa, magaling siyang makisama sa mga taga-showbiz kaya marami talaga ang gustong tumulong sa kanyang anak.
Ang maganda, ok na ok na talaga si Diego.
Sinasabihan din daw ni Teresa ang anak na i-enjoy ang buhay!
‘Yun na!
Raymond may secret project
Nasa El Nido, Palawan si Richard Gutierrez kasama ang mag-iina niyang sina Sarah Lahbati, Zion at Kai.
Sabi ni Sarah nang makatsikahan ko siya the other night, enjoy na enjoy sila kahit na uulan at iinit naman after.
Hanggang bukas sila sa El Nido at sa Christmas day ang alis nila pa-Los Angeles, California.
Nasa L.A. rin ngayon si Raymond Gutierrez at hanggang sa December 20 ito sa lugar na ‘yon, pero sabi ni Annabelle Rama, kino-convince raw ni Richard ang twin-brother nito na mag-extend doon para mag-abot sila.
Gusto rin ni Raymond na maka-bonding si Richard sa L.A., pero may mga schedule rin naman siya na dapat asikasuhin.
Sa ngayon, enjoy nga raw siya sa L.A.
Nang kumustahin ko ang “secret project” na reason kung bakit nandoon siya ngayon, wala pa raw result.
“But if there’s good news na, babalitaan kita agad,” sey ni Raymond.
Bongga!
- Latest