Multi awarded veteran actress pumanaw Mona Lisa dapat ding magkaroon ng monumento tulad nina Dolphy at FPJ
Yumao na kamakalawa ng hapon ang kinikilalang pinakamatandang aktres na nabuhay hanggang sa panahong ito, si Mona Lisa. Sa tunay na buhay, ang kanyang pangalan ay Gloria Lerma Yatco, at siya ay 97 years old na nang pumanaw. Katandaan na ang sinasabing dahilan ng kanyang kamatayan.
Una siyang lumabas sa pelikula sa edad na 15. Sinasabing ang kanyang unang pelikula ay iyong Bago Lumubog ang Araw noong 1930, at noon ay nakilala muna siya sa screen name na Fleur de Liz, hanggang sa ang kanyang screen name ay ginawa ngang Mona Lisa ni Eduardo de Castro na siya namang producer ng X’otic Films.
Ang pinakamalaki niyang break ay dumating nang kunin siya ni director Carlos Vander Tolosa bilang support sa pelikulang Giliw Ko noong 1939. Iyon ang launching film ni Mila del Sol na nakatambal naman ni Fernando Poe, Sr., pero napansin siya dahil iyon ang kauna-unahang pagkakataon na may artistang nagsuot ng bathing suit sa isang pelikula.
Aba noong panahong iyon, bathing suit lang ang isuot sa pelikula pinagkakaguluhan na.
Umabot pa ang career ni Mona Lisa sa ating panahon. Halos kasing tanda siya ng industriya ng pelikulang Pilipino. Ang tanong, ano kaya ang magagawa para naman maalala ng mga tao ang aktres na si Mona Lisa sa mas mahabang panahon?
Noong Disyembre 2006, ang pangalan ni Mona Lisa ay inilagay ni Kuya Germs (German Moreno) sa Walk of Fame Philippines bilang parangal sa mahabang panahon ng kanyang pagiging isang aktres, pero maliban doon, ano pa nga ba ang magagawa nila para kay Mona Lisa?
Si Mona Lisa ay lehitimong taga-Maynila. Ipinanganak siya sa Tondo noong June 22,1922. Ang ibang movie greats gaya nina FPJ, Jr. at Mang Dolphy, ay kinilala noong panahon ni Mayor Alfredo Lim at pinatayuan ng monumento sa Roxas Boulevard. Gawin din kaya iyan ni Yorme Isko Moreno para kay Mona Lisa?
Bea nagpapaka-busy sa scriptwriting
Habang nagkakagulo sila sa kung anu-anong tsismis at talakan, dedma lang sa kanila si Bea Alonzo na ang ginagawa ngayon ay sumailalim sa isang script writing workshop. Hindi naman siguro nag-aambisyon pa si Bea na magsulat ng script, mas malaki namang ‘di hamak ang kita niya bilang isang aktres kaysa sa kinikita ng isang scriptwriter, pero makatutulong ang kaalaman sa kanya sa pamimili ng mahuhusay na script sa mga iniaalok sa kanyang pelikula at serye sa telebisyon.
Kaya makikita mo na talagang ang pinagbubuhusan niya ng panahon ay ang improvement ng kanyang career at hindi kung anu-ano lamang.
Baguhang singer inaasa ang kasikatan sa mga kamag-anak
Sino kaya ang nagpaniwala sa isang baguhang singer na sisikat siya dahil lamang may mga kamag-anak siyang sikat na mga singer din? Ang nakakatawa pa ay ang mga pralala niya na akala yata ay isa siyang hot discovery gayung sa totoo lang naman, walang pumapansin sa kanya.
Baka nga sila-sila lang din ang nagda-download ng kanyang kanta na hindi mo naman marinig sa radyo eh.
Kung sa bagay, ano ba ang pakialam natin kung magkano man ang isabog nilang pera para sa kanyang mga pra la la, basta ba hindi pera ng bayan ang ginagamit niya eh.
Pero pupusta kami, hindi naman sisikat iyan.
- Latest