Pangarap ng isang guro at lola, tinupad ng Rated K

MANILA, Philippines — Hindi lahat ng pangarap ay natutupad, pero para sa isang bayaning guro at matiyagang lola, isang sulat lang sa Rated K ang kinailangan nila para magkatotoo ang kanilang hangarin.

Kasama ang Kapamilya artists na sina Erik Santos at Angeline Quinto, agad na inaksyunan ng programa ni Korina Sanchez-Roxas ang mga kakaibang hiling para sa high school teacher na si Beth Sangalang at ang nais maging songwriter na si Francisca Teje o Lola Fe.

Sinorpresa nina Korina ang guro ng isang live performance mula sa Prince of Pop ng OPM, at tinupad naman ang pangarap ni Lola Fe na marinig ang sinulat niyang kanta na inaawit ng “Queen of Teleserye Theme Songs.”

Nakilala ng Rated K si Beth sa sulat ng dating estudyante nitong si Arjay Velasco na nais pasalamatan ang kanyang guro na kumupkop sa kanya at nagpaaral sa kanya nung muntik na siyang tumigil sa pag-aaral. Naging OFW na si Arjay sa Dubai, ngunit hindi niya nakalimutan ang kanyang minamahal na guro na tinuturing niyang bayani. Nag-email siya sa Rated K at humingi ng video greeting mula sa paborito nilang singer na si Erik. Pero hinigitan pa ito ng programa na dinala mismo si Erik sa high school reunion nila para personal na awitan ang butihing guro.

Samantala, matagal nang pangarap ni Lola Fe na magsulat ng kanta pero hindi niya ito napursige dahil sa hirap ng buhay. Nag-kasambahay siya para masuportahan ang pamilya pero hindi niya mabitawan ang pangarap. Sa kanyang sulat sa Rated K, sinabi ng 72 anyos na lola na nais niyang makanta ng isang Kapamilya artist ang kanyang mga komposisyon. Tinupad ito ng programa sa tulong ni Jonathan Manalo ng Star Music, na siyang nag-areglo ng kanta niyang Maraming Salamat Mahal, na kinanta naman ni Angeline. Ilalabas nila ang awit bilang single at makukuha ni Lola Fe ang lahat ng kikitain nito.

Panoorin ang Rated K tuwing Linggo, 8:45 pagkatapos ng Wansapanataym sa ABS-CBN.

Show comments