Ticket sa concert nina James, Billy, at Sam, ubusan!
Limang araw pa bago ang The Cr3w concert nina James Reid, Billy Crawford at Sam Concepcion sa Araneta Coliseum, pero mukhang nagkakahirapan na sa paghahanap ng tickets. May mga post na mula sa fans na nakikiusap kung sino daw ang may sobrang ticket at nakahanda silang bilhin dahil wala na silang nakuha. Siguro ang hinahanap naman nila ay iyong magagandang seats talaga.
Karaniwan naman iyon sa mga ganyang klase ng concert. Kung ano iyong mas mahal na tickets, iyon ang unang nauubos kasi ang gusto nga ng fans, halos nakadikit na sila sa stage.
Ang kuwentuhan nga sa Cubao, pati raw iyong nagtitinda noong mga ilaw na ginagamit ng fans ‘pag may concert ay naghahanda na dahil alam nilang bebenta iyon. Marami kasing fans ang tatlong stars ng concert.
Pero iyong mga music observer naman, nagsasabing nakakahinayang dahil sa nakikitang ginagawa ng tatlong singers na mas makapagbigay nang mahusay na performance, kasi ano man ang kanilang gawin, natatabunan na ng pagkakagulo ng kanilang fans, na makita lang sila ay talagang magtitilian na.
Iyong mga gusto talaga ng music, hindi na ma-appreciate iyong ginagawa ng mga artist dahil sa mga nagtitilian at nagsasayawang fans. Pero ano ang magagawa mo? Talagang ganoon kung sikat ang mga star mo.
Mas natutuwa naman kami sa ganyan kaysa roon sa nagkakagulo sila sa mga Koreano na ni hindi nila maintindihan ang sinasabi at kinakanta.
Basta tamang kumbinasyon lang talaga eh, kaya ng Pinoy.
Keempee puro negative ang publicity
Simula nang lumabas ulit si Keempee de Leon dahil doon sa kanyang ginawang serye, ewan namin kung bakit ang naging takbo ng kanyang publisidad ay tungkol sa mga hindi magandang nangyari sa kanyang buhay noon.
Lumabas pa ang panahong nagdanas siya ng depression dahil sa nangyari sa kanyang career. Naungkat pa kung papaanong tinanggal siya sa Eat Bulaga nang hindi niya alam kung bakit. Tapos lumabas pa ulit na naging lasenggo siya dahil sa depression.
Iyong huli naming nakita, puro tungkol naman sa kanyang mga naging love affairs noong araw.
Ang opinion namin sa batang iyan, isang mahusay na actor si Keempee. Mabait na bata naman. Ang talagang problema nga lang, iyong kanyang height, dahil lumabas noon na mas matatangkad ang mga potential leading ladies kaysa sa kanya. Doon bumagal ang kanyang career. Pero noong panahong iyon, ang tindi ng popularidad ni Keempee. Siguro nga may mali lang sa diskarte sa kanyang career noon kaya nangyari ang lahat ng iyon.
Maraming pulitiko, th na!
Nakakatawa iyong mga pulitikong wala namang kinalaman sa showbiz, wala namang nagawa para sa industriya kahit na ano, pero dahil panahon ngayon ng kampanya, aba pilit na nagpapaka-showbiz.
Mga movie reporter bang kausap nila. Hindi ba ang dapat na sinasabi nila ay kung ano ang nakikita nilang mali sa batas na mababago nila sa halip na sinasabi lang nila kung sino ang kanilang showbiz crush?
Masyado namang halata at trying hard iyang mga ganyan.
- Latest