Cute ang renewal of vows nina Ka Tunying at Rossel Taberna sa Iglesia ni Cristo sa Tagaytay City at dito rin ang reception pero ang talagang touching sa akin, bestman ni Ka Tunying si Allan Encarnacion.
Bestfriend sila talaga. Bongga as in parang may bromance sila. Madalas ako ma-touch kapag nakikita ko ang magkakaibigan na magkasama, kahit saan man sila makarating.
Ang pagiging bestman ni Allan ang patunay ng closeness nila ni Ka Tunying.
Isa pang touching sa akin na maid of honor sa renewal of vows si Heidi, ang kapatid ni Ka Tunying na pruweba na close siya sa kanyang sister in-law na si Rossel. Ang gandang tingnan nang ganoon, di ba?
At ang prenup photos, feeling bagets ang mag-asawang Taberna ‘ha? Ang ganda ni Rossel at ang pogi ni Ka Tunying.
Best wishes to more years ahead Ka Tunying at Rossel, perfect team kayo at sure ako na may forever talaga!
Parang mga bata…
Isang bagay na tuwang-tuwa ako ang mga raffle draw sa mga Christmas at Thanksgiving parties. Nakakatuwa dahil parang mga bata ang showbiz writers na tuwang-tuwa kahit sa maliliit na raffle prizes.
Kaloka lang na kapag hindi sila nananalo, ang dami nilang sinisisi The child in them, lumalabas.
Kung minsan 1K lang ang raffle prize pero tumatalon ka na sa tuwa. Kaloka kapag hindi nanalo dahil bitter talaga.
Kawawa nga si Angel Javier-Cruz sa pa-raffle ni Alden Richards dahil nagalit ‘yung iba. Bakit daw isinali pa ang mga nanalo ng minor prizes.
Kaloka na kahit isa, hindi nanalo sina Ricky Lo at Allan Diones samantalang dalawa ang panalo ni Gorgy Rula.
Isipin mo ha, ang lalaki ng napanalunan ng writers pero nagkakaroon pa ng tampuhan dahil sa raffle draw, ‘di ba parang mga bata sila?
Nakakatuwa talaga dahil marami na ang senior citizen sa showbiz writers pero excited pa rin sa raffle draw.
Bong nabawasan ng 15 lbs!
Fifteen pounds ang nabawas sa timbang ni Bong Revilla, Jr. kaya bumata ang itsura niya at lalong gumuwapo.
Bagay na bagay talaga kay Bong ang title ng comeback movie niya na Alyas Pogi dahil poging-pogi siya sa welcome party na inihanda nina Mother Lily Monteverde at Manay Ichu Maceda para sa kanya noong Miyerkules sa Gloria Maris, Greenhills.
Naloka lang ako dahil sa trapik as in muntik ko nang sabihin sa driver ko na bumalik na lang kami sa bahay.
Hindi pala alam ng driver ko ang daan papunta sa Greenhills kaya kahit umalis ako nang maaga sa bahay, hindi ako early bird sa party nina Mother Lily at Manay Ichu para kay Bong.
Maligayang-maligaya si Bong nang makita nito ang entertainment press na naghintay sa pagdating niya. Talagang nasabik si Bong na makapiling ang mga showbiz reporter na always supportive sa kanyang mga pelikula at television show bago siya nakulong sa Camp Crame.
Na-miss ni Bong ang paggawa ng pelikula kaya tiniyak niya sa mga reporter na sasali siya sa Metro Manila Film Festival sa 2019. Hindi lang ako sure kung ang Alyas Pogi o ibang pelikula ang gagawin ni Bong para sa December film festival.