Nabalitaan namin na kamakailan lang ay nagbukas si Maine Mendoza ng isang negosyo, nag-franchise siya sa isang sikat na fast food chain. Si Alden Richards din naman ay mayroon nang restaurant, at ngayon ang may balak daw siyang magkaroon ng isang gasolinahan.
Nakakatuwa ang mga artistang ganyan, dahil sa panahon ng kanilang kasikatan ay pinaghahandaan na nila ang kanilang kinabukasan, at ganoon din naman ang kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay. Masasabi nga siguro natin na iyang sina Alden at Maine ay parehong well advised. Alam nila ang gagawin sa kanilang kinikita. Nagsisimula rin sila ng maaga. Alam ninyo iyang negosyo, hit or miss din iyan. Kaya nga maganda iyong nagsisimula sila ng maaga para kung magmintis man ang kanilang negosyo, mayroon pa rin silang career na sasandalan. Maaari silang mag-ipong muli ng puhunan para makapagtayo pa ulit ng panibagong negosyo.
Iyan ang pagkakamali ng ibang artista. Habang sikat pa sila, akala nila wala nang katapusan ang lahat. Dahil maraming perang hinahawakan, sige tungga nang tungga. Walang ginawa kung ‘di magwalwal. Sige ang sugod sa mga casino para magsugal. Minsan tumitira pa ng droga. Hindi nila namamalayan tumatanda na sila. Hindi nila namamalayan nalalaos na sila. In the end ano ang kababagsakan, tumatanggap na sila ng kahit na anong project para magkapera lang? Minsan maririnig mo pa nangungutang sa kung sinu-sino. Eh kung iisipin mo, sa hinawakan nilang pera, pati mga apo nila maaari nang mabuhay ng masagana pero hindi nila napaghandaan iyon.
Minsan nakakaawa, pero kasalanan nila eh. Sino ba ang nagwalwal noong kalakasan pa nila? At kung ganoon nga ang ugali mo, ano ang maaasahan mo?
Dingdong at Coco magsasalpukan
Ito ang talagang sagupaan. Ang action series na Ang Pagbabalik ni Alyas Robin Hood ay ikakasa ng GMA 7 sa unang slot sa prime time, pagkatapos ng kanilang high rating na 24 Oras. Bukod sa magandang slot, may malaking advantage pa dahil napakataas ng ratings ng kanilang pre-programming na 24 Oras. Itatapat ang Robin Hood sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.
Ilalagay naman sa kanilang second slot iyong Mulawin vs. Ravena, na isasabak sa fantasy series din nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na La Luna Sangre. Magandang tapatan iyan. Action sa action. Fantasy sa fantasy.
Ang hindi nga lang maganda sa ganyang tapatan, kailangang mamili ng audience. Basta pinili mong panoorin ang isa, tiyak wala ka nang chance na makita iyong katapat na show. Kung sa bagay, iyong iba naman ang ginagawa ay inire-record sa flashdrive ang isa pang show na hindi nila napanood at saka nila panonoorin iyon at a later time. Pero bihira ang marunong noon. Mas marami iyong mami-miss na lang ang kalabang show. Pero magandang laban iyan. Talagang matira ang matibay.
Baguhang aktor na ‘di nag-click, bantay sarado ng dyowa sa set
Kung maganda ang simula ng isang newcomer, mukhang malabo naman ang kasunod na career moves niya. Hindi naman kasi siya nag-click talaga. Sana kung makukuha siya, oras na isapelikula na ang Darna bilang lalaking tuod, pero kung hindi, mukhang malabo siyang maging lover boy ulit.
Puro raw kasi pa-cute lang ang nalalaman, at naiilang pa ang mga kasama niya dahil lagi siyang binabantayan ng kanyang girlfriend. Pero hindi ang leading lady ang kinatatakutan ng girlfriend kung hindi si direk.