Nakakatuwa naman at muling nanalo si Angel Locsin bilang Best Supporting Actress para sa kanyang role sa pelikulang Everything About Her, at hindi basta-basta iyon ha. Siya ay nanalo sa 57th Asia-Pacific Film Festival na ginanap sa Cambodia. Hindi iyan isa sa mga hotoy-hotoy na film festivals lamang dahil iyan ay nasa ika-57 taon na.
Ang panalo ng aktres sa Cambodia ay siya na niyang ikalawang award para sa nasabing pelikula. Siya rin ang kauna-unahang Best Supporting Actress sa unang The Eddys.
Hindi naman iyan ang unang international award ni Angel, pero iyan ay katunayan lamang na ang kanyang acting ay tanggap hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Sayang at hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon si Angel na gumawa ng isang international movie. Tiyak papatok siya sa world market. Iyon naman ang nakikita naming positibo sa pagsali sa mga film festival. Kung hindi man tanggap ang mga pelikulang gawa natin, dahil karamihan naman sa isinasali sa mga festivals ay mga low budget films o iyong mga indie, at least sana mapansin ang mga artista natin at sila ang kunin para sa mga international movies.
In the past, may mga artista na nga tayong nakuha sa mga international film, pero maliliit lamang ang role na ibinigay sa kanila. Hindi nga sila napapansin. Kagaya ng partisipasyon ni Kris Aquino sa Hollywood film na Crazy Rich Asians kung saan parang extra lang siya. Iyan iyong mga role na kapag humaba ang pelikula ay maaari pang ma-edit out.
Ang talagang Pinoy lang na nakapasok sa isang Hollywood movie ay si Techie Agbayani. Kung ite-trace naman natin sa history, ang isa pa ay si Manuel Conde, dahil ang mga pelikula niya ay naipagbili noon kay Howard Hughes at inilabas sa buong mundo sa pamamagitan ng RKO Films ni Hughes noon.
Ryan napuruhan sa likod
Humataw nang husto si Maine Mendoza sa contest sa Eat Bulaga, at ang team nila ni Ryan Agoncillo ang nanalo sa contest, kahit na nga hindi nakarating si Ryan dahil sa back pain. Hindi man sinabi ng diretsahan pero may nagsasabi na ang back pain ni Ryan ay dahil din sa rehearsals nila para sa number na iyon.
Kaya nga hindi naman ikinaila ni Maine na mayroon siyang kaba bago sumalang sa kumpetisyon at sinabi pa niyang ipinagdadasal na lang niya na walang masaktan sa kanilang gagawing production number. Iyan naman kasing mga ganyang production number ay hindi talagang inaasahang gagawin ng mga artista. Nagsimula lang naman iyang ganyan sa TV show noon ni Vilma Santos. Magmula noon, parang naging requirement na nga na kailangang magaling at daring ang sayaw ng mga artista.
Anyway, maliwanag naman na na-overcome ni Maine ang kanyang takot, nagawa niya nang mahusay ang kanilang number. Napanood namin at kahit nanonood ka lang, may nerbiyos na baka magkaroon ng disgrasya.
Pamilyado at may edad nang actor rumaraket pag nasa siyudad
Palibhasa dati na niyang gawain kahit na noong siya ay artista pa sa isang network, kahit pala nga iyong may pamilya na siya at may edad na rin, “suma-sideline” pa rin ang isang dating young male star na nagmula sa isang talent search ng isang malaking network. Sa probinsiya na siya nakatira ngayon pero basta napupunta siya ng Manila, tinatawagan niya ang mga dati niyang contacts para sa kanyang sideline.