Si Boss Vic del Rosario mismo ang nag-announce sa presscon ng Tasya Fantasya na sina Shy Carlos at Mark Neumann ang magiging first love team ng Viva Group of Companies sa paghawak nila ngayon ng pamamahala sa TV5.
Sinisiguro raw niyang sila ang susunod na pag-uusapan sa industriya ng telebisyon.
Si Shy ang napili nila para gampanan ang role ng maid na si Tasya na may mabuting puso. Ang role ni Tasya ay unang ginampanan ni Kris Aquino nang gawing movie ito ni Direk Carlo J. Caparas na siyang sumulat ng story sa kanilang Golden Lion Films ni Donna Villa.
Nang ibigay naman ito ni Direk Carlo sa GMA 7, ang gumanap na Tasya ay si Yasmien Kurdi.
Inamin ni Shy na medyo mahirap ang role dahil may prosthetics siya, pero sisikapin daw niyang mabigyan ng justice ang character na ipinagkatiwala sa kanya.
Pero ayaw daw niyang i-stress ang sarili kung iku-compare siya sa mga naunang gumanap sa role. Gusto raw lamang niyang magbigay ng saya at nag-spread ng good vibes sa mga manonood.
Masaya naman at thankful si Mark na after ng straight drama niyang ginawa sa TV5, ang Baker King, ngayon ay light romantic-comedy series ang gagawin niya.
Sa direksyon ni Ricky Rivero, kasama rin sa cast sina Ara Mina, John Lapus, Candy Pangilinan, Giselle Sanchez, AJ Muhlach, at Kim Molina. Mapapanood na simula sa Saturday, February 6 ang Tasya Fantasya at 8:00 p.m.
Maine hindi masagot kung gusto si Alden
Inabutan ng busina ang pagsagot ni Maine Mendoza aka Yaya Dub sa seryosong tanong ni Alden Richards sa kanyang panliligaw, kung kanya na raw ba si Yaya.
Ayaw sumagot agad si Yaya at tumingin muna siya kay Lola Nidora (Wally Bayola), na sumagot sa kanya na sariling desisyon na raw niya iyon, kung ano ang nilalaman ng kanyang puso, iyon ang isagot niya.
Masaya ang AlDub Nation dahil kasama nga sila nina Alden at Maine sa pagsi-celebrate nila ng 6th monthsary ng phenomenal love team. Ginawa itong special ng Eat Bulaga dahil doon na ang celebration sa loob ng Broadway Studio.
Doon na rin nila ginawa ang sugod-bahay at ang Juan For All, All For Juan na binunot nila mula sa audience ang mga contestant. Nagkaroon din ng chance ang ilang members ng AlDub Nation na magtanong kina Alden at Maine.
Sina Alden at Maine ay doon sa paborito nilang gazebo kumain ng paborito nilang isaw, spaghetti at chocolate cake.
Nag-perform ang tatlong lolas (Wally, Jose Manalo at Paolo Ballesteros) ng I Will Survive.
Parehong nagpasalamat sina Alden at Maine sa AlDub Nation na hindi bumitaw sa kanila kahit maraming pagsubok din silang pinagdaanan dahil hindi rin sila nawalan ng tiwala sa Diyos.