Noong araw, kung sabihin ay may apat na haligi ang GMA 7. Ang mga show kasi nila noon ang top raters at top moneymakers din. Sa shows lang nila nangyayari na para makapagpasok ka ng commercial, kailangan magbayad ka ng iba pang spots na floating. Ibig sabihin, mailalagay ng Channel 7 sa alinmang shows nila.
Ang apat na iyan ay sina Helen Vela, Inday Badiday, Vilma Santos, at German Moreno. Noong araw, basta binanggit mo ang pangalan nila, GMA 7 iyan. Although may pagkakaiba rin, dahil noong panahong iyon, si Helen Vela ay may sariling produksiyon ng kanyang mga drama. Si Inday Badiday ang producer mismo ng kanyang mga sinusundang talk shows. Ang show ni Ate Vi ay ginagawa ng ibang production company. Si Kuya Germs lang ang talagang kumukuha ng mga tauhan sa GMA 7.
Natatandaan namin noon, basta may hindi gusto ang mga employee at nagbabanta ng isang strike, itatama nila iyon ng Biyernes. Ibig kasing sabihin noon, hindi makaka-air ang show ni Ate Vi, at sigurado kakausapin sila agad ng management kaysa mawala ang milyong pisong kikitain sa mga commercial ng show.
Kung itatama naman nila iyon sa GMA Supershow, alam nila na pakikiusapan agad sila ni Kuya Germs, at sino nga ba sa kanila ang makakatanggi sa Master Showman?
Matagal nang wala si Ate Helen. Wala na rin si Ate Luds. Ngayon, wala na rin si Kuya Germs. Pero kahapon, dumalaw sa burol ni Kuya Germs ang natitirang haligi ng network noong araw, si Ate Vi.
Inamin ni Ate Vi na noon, hindi sila ganoon ka-close ni Kuya Germs. Kasi nga mas close iyon at alaga noon si Nora Aunor. Pero hindi naman ikinakaila ni Ate Vi na binibigyan din siya ng payo ni Kuya Germs kung sila ay nagkakasama. May ilang pelikula si Ate Vi na kasama si Kuya Germs. Isa na nga roon ang Dyesebel.
Bagama’t pareho silang nagsimula sa Sampaguita Pictures, noon talagang naging aktibo na si Ate Vi bilang artista, siya ay nasa Tagalog Ilang-ilang Productions at si Kuya Germs naman ay nanatili sa Sampaguita. Kaya mas nakasama niya at naging director pa siya ng pelikula ni Nora Aunor. Naging co-host din siya ng TV show ni Nora Aunor, nang yumao na si Eddie Peregrina na unang kasama nga ni Nora. Ang show nila ay tumagal ng 26 years.
Si Ate Vi naman noon, mas naging identified kay Ike Lozada, na nakasama naman niya sa mas maraming pelikula. Noong pasukin naman ni Ate Vi ang TV shows, ang itinambal sa kanyang mga co-host ay kung sino ang mga matinee idols of the time.
Ang sabi nga ni Ate Vi, ano man ang sabihin ng iba, “He is Kuya Germs, a kuya to all of us”. Nasabi pa nga niya, “Kami lahat ate ang tawag sa amin. Nag-iisa siyang kuya so how do you forget him.”
Ang isa pang alam naming sincere ang naging pag-iyak nang dumalaw sa burol ni Kuya Germs ay si Dawn Zulueta. Talaga kasing naging close sila eh. Talagang pinangangaralan ni Kuya Germs noon si Dawn. At saka malaking tulong ang master showman para siya makababa sa masa.
Hindi lahat ng umiyak doon ay totoo. May iyak kasi nang iyak doon, pero palagay namin ay iyak ito ng pagsisisi dahil sa kabila ng mga tulong na nagawa sa kanya ng master showman noong araw, may panahong iniiwasan niyang mag-guest sa kanyang TV show.