John Lloyd isinugal ang buhok sa indie

Gaano nga ba kagaling si John Lloyd Cruz sa pelikula niyang Honor Thy Father?

Ang director mismo ng pelikula na si Erik Matti ang sumagot sa tanong na iyan. Simple lang ang sinabi niya. Maraming ibang mahuhusay na actor pero sa palagay daw niya ay walang ibang actor na makagagawa sa role ni John Lloyd sa pelikula nilang Honor Thy Father kundi siya lamang.

Tama naman iyon. Ang galing kasi ng artista ay lalabas lamang sa isang role na talagang pipiga sa kanyang ta­lent. Ngayon lang din mapapanood si John Lloyd sa ganyang klase ng peli­kula. Hindi siya lover boy ngayon eh. Biktima siya at inakusahang may kagagawan din ng isang financial scam na naapektuhan ang pamilya.

Nilinaw din naman ni John Lloyd na matagal na niyang nakuha ang istorya at ang script ng pelikula, at nang makita niya ay nag-desisyon siyang kailangan niya itong gawin. ‘Yan din ang kauna-unahan niyang indie movie. Alam naman natin na lahat ng ginagawa niyang pelikula ay mainstream at puro mga high budgeted films. Pero sinasabi nga nila, lumalabas talaga ang galing ng isang actor kung gagawa siya ng isang simpleng pelikula lamang, at ito nga ang nangyari ngayon.

May isa pang bagay na nilinaw si John Lloyd, bagama’t masasabing base sa mga tunay na nangyayari ang pelikula nila, ito ay isang fiction. Wala silang pinatutungkulang sinuman. Hindi rin iyan patama sa isang sekta ng relihiyon na kamakailan lamang ay nagkaroon ng kung anu-anong controversy. Talagang fiction lang ito at hindi kailangang isipin na iyan ay patama kanino man.

Kailangan ding magpakalbo pa si John Lloyd sa pelikulang iyan, at mabilis naman siyang pumayag na gawin ito kahit na nangangahulugan na hindi siya makagagawa ng kahit na anong ibang projects hanggang hindi tumutubo ulit ang kanyang buhok. Pero pumayag siya, kasi gusto nga niya ang role at mahusay naman niyang nagawa iyon.

Ibang TV network dapat kabahan Vic del Rosario magaling sa diskarte

Hindi sinabi ni Vic del Rosario kung ano ang mga show na talagang gagawin niya para sa TV5. Ang sinabi lang ni Boss Vic ay ang mga proyektong nakakasa na. Pero inamin niya na maraming mga malalaking pasabog na mangyayari sa programming ng TV5, na makasisigurong “magkakaroon tayo ng isang malakas na third network”.

May sinasabi pa nga siyang may mga artistang wala namang exclusive contract sa kahit na saang network, na gagawa rin ng projects para sa TV5. Ang sinasabi niyang “partnership” ng TV5 at ng Viva Entertainment ay isang bagay na kailangang bantayan ng buong industriya. Walang nakatitiyak diyan. Baka isang araw ay mabulaga na lang sila na iba na pala ang dating ng TV5. Baka mamaya, sila na ang sinasabing “second network” dahil pareho namang nagki-claim ang dalawang network na no. 1 sila.

Alam naman ninyo ang ratings na iyan. Hindi talaga masasabing dahil iyan sa isang artista. Nasa diskarte iyan. Makuha mo man ang malalaking artista, mahina naman ang diskarte mo sa mga project na ipagagawa sa kanila, wala ring mangyayari. That explains kung bakit mara­ming mga serye sa TV ang hindi kinakagat kahit na malalaki ang stars. At alam naman natin na iyan ang sikreto ni Vic del Rosario. Magaling siya sa diskarte.

Show comments