Dahil sa alitan sa pamilya, Sheryl magpa-Pasko mag-isa?!

Nagpahayag ng kalungkutan si Sheryl Cruz na sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi niya makakasama sa araw ng Pasko ang kanyang tiyahing si Susan Roces at ang kanyang pinsang si Senadora Grace Poe. Nagsimula ang hindi nila pagkakaintindihan nang diretsang sinabi ni Sheryl na hindi siya naniniwalang handa na ang kanyang pinsan na maging presidente ng Pilipinas.

Natural na sumama naman ang loob ng mag-nanay dahil hindi nila inaasahang ganoon ang sasabihin ni Sheryl.

In fairness, wala namang sinabi si Sheryl na masamang tao ang pinsan niya. Ang sabi lang niya, baka hindi pa iyon handa sa ngayon.

Sa darating na panahon, ibang istorya naman. Maraming lumabas na espekulasyon, pati na ang may ibang kandidato raw na ieendorso si She­ryl, na hanggang ngayon naman ay wala talaga.

Sinasabi ni Sheryl na may mga nakapaligid daw sa pinsan niya na hindi dapat pakinggan.

May nagsasabi naman na may mga nakadikit din kay Sheryl na nagpapalala ng intriga.

Ang paniwala namin, in the end ay isang pamilya pa rin naman sila at magkakasundo rin. Bakit nga ba kailangang palakihin pa ang kanilang gap? Dapat magkasundu-sundo na sila sa ngayon.

Hindi namin sinasabing si Sheryl ang may kasalanan, pero sa kanyang statement nagsimula ang samaan ng loob.

Siguro magiging maganda kung sa kanya rin magsimula ang kanilang pagkakasundo.

Madali naman sigurong kausapin ang kanyang tiyahin at ang kanyang pinsan. Hindi naman kailangang sumuporta siya sa kandidatura noon.

Kung talagang sa palagay niya ay hindi dapat, hindi naman siguro siya pipilitin.

Pero dapat magkasundu-sundo sila, hindi dahil sa pulitika kundi dahil sa katotohanan na sila ay isang pamilya.

Hindi rin namin alam kung ano ang basehan ni She­ryl, pero ang nakatatanda niyang kapatid na si Renzo ay nagta-trabaho pa nga sa office mismo ni Grace Poe.

May kaunti lang sigurong misunderstandings na ayaw na naming alamin. Pero mas maganda sa isang pamilya ang magkasundo.

Rayver may break na

Mabuti naman at mukhang nabigyan na ng isang malaki-laking role sa isang pelikula si Rayver Cruz.

Isa siya sa mga bida sa pelikulang Buy Now, Die Later na kasali sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Wala si Rayver sa kanilang presscon, pero kung titingnan mo sa trailer, ok naman ang kanyang rehistro sa big screen.

Sinasabi naman ng mga kasama niya na mahusay siyang artista.

Matagal na rin namang artista si Rayver, pero hindi nga masyadong nabibigyan ng break.

Puro pagsasayaw lang sa TV ang ipinagagawa sa kanya. Mabuti pa ang kapatid niyang si Rodjun Cruz, kahit na papaano ay nabibigyan na ng break. Nabibigyan kahit na ng mga drama sa TV.

Matinee idol type iyang si Rayver. Kung iisipin mo, mas better looking naman siya kaysa sa ibang mga matinee idols ngayon na trying hard pa ang dating.

Mailap nga lang sa kanya ang break, pero naniniwala kami na ngayong mapapanood na siya sa big screen, mas makakatawag siya ng pansin at siguro mabibigyan naman ng mas magagandang chances.

Horror ang nasadlakan ni Rayver, pero marami nga ang nagsasabi na siguro mas ok kung siya ay bibigyan din ng love story.

Siguro kung magkakaroon siya ng ka-love team ay ok din. Pero ganyan lang naman talaga ang showbiz career. Hindi mo mapipili kung anong trabaho ang darating sa iyo, lalo nga’t nagsisimula ka pa lang o naghihintay pa ng malaking break.

Pero kung ganyan naman na mahusay rin daw ang kanyang ipinakita sa pelikula, siguro nga very soon mabibigyan na siya ng mas malalaki pang roles.

Show comments