Tatapusin lang ni Polo Ravales ang promotion ng pelikulang Angela Markado ng Viva Films at babalik siya sa rehab para sa slipped disc nito sa kanyang lumbar.
Natuloy pala ang operasyon niya sa lumbar nung last July 28, 2015 kinabukasan ng birthday niya sa UST Hospital kung saan inabot ng P500,000 ang gastos niya.
Nakuha nga ni Polo ang kanyang slipped disc sa maling buhat sa gym. Nung una, akala niya ay ngalay lang sa kanyang likod ang sakit na iniinda ng dalawang linggo.
Tiniis pa niya ang pain, pero hindi nawawala kahit nagpamasahe pa ito. Hanggang sa bumagsak at hindi na siya nakatayo nung mismong birthday niya last July 27 habang naliligo ito.
Bale ba, hindi pa rin nadadala si Polo kahit may slipped disc ito sa kanyang lumbar dahil balik pagbubuhat na naman muli ang aktor na adik na sa pagi-gym.
Pero light lang ang buhat nito na dapat ay nakahiga, at kung naka-squat ang exercise niya ay dapat walang kasamang weights sa kanyang kamay o binti. Hindi pa rin siya puwedeng mag-basketball o tumakbo.
Hindi na rin nilagyan ng bakal ang lumbar niya dahil nung buksan ng mga doctor ang kanyang likod ay nakitang hindi na ito kailangan.
Samantala, hindi naiinggit si Polo kahit napag-iwanan na siya ng mga ka-batch niya tulad ni Dingdong Dantes at Sunshine Dizon na parehong may asawa at anak na.
Habang wala pa raw siyang pamilya, ay in-enjoy muna niya ang trabaho.
Gusto raw niyang mag-settle kapag 35 years old na siya dahil mas magiging better husband daw siya kapag mature na siya by that time. Kaya focus muna siya sa trabaho at patuloy na gusto niyang improve ang sarili.
Sa pelikulang Angela Merkado, ay ipapakita niya ang kanyang pagiging bad boy, kung saan isa siya sa rapists ni Andi Eigenmann na originally na ginampanan ni Hilda Koronel at dinirek ni Lino Brocka. Ngayon ay idinirek naman ni Direk Carlo J. Caparas na siyang sumulat din ng script. Kasama rin sa movie sina Epi Quizon, Felix Roco, Paolo Contis, at ang anak ni Direk Caparas na si CJ Caparas.