MANILA, Philippines - Hindi na marahil nasorpresa ang mga Noranian sa pagkapanalo ng award ni Nora Aunor sa ibang bansa dahil sa pelikulang Taklub.
Madrama ang istorya nang naturang movie tungkol sa nakaraang delubyong bumisita sa Pilipinas na si Yolanda kaya talagang hahakot ng award si Guy sa pagganap niya marahil sa awa ng mga banyagang nakapanood nito sa mga sinalanta ng bagyo, tiyak magagantimpalaan nila si Nora.
Isa na namang malaking karangalan kay Direk Brilliante Mendoza ang pagkakapanalong ito ni Nora Aunor.
May tanong, ano naman kayang biyaya ang mapupunta kay Guy, matapos mag-uwi ng karangalan ang pelikulang Taklub?
Dapat daw may bonus man lang si Nora, na magagamit niya sa kasalukuyan!
May nagsasabi namang malagintong tropeo daw ng karangalan ang inuwi nito, ang tanong, pwede bang maisangla sa pawnshop ang naturang award?
Dapat maging praktikal na sa mga ganitong pa-contest sa pagpili ng magagandang pelikula at magagaling na artista.
Nakakahabag naman si Ate Guy na pulos na lang nagbibigay sa mga Indie film gayung kailangan din niyang magkamit ng biyaya.
Biktima rin ng pagkakabitin ang isa pang movie ni Guy, ang Kabisera.
Walang ingay o anumang balita kung itutuloy pa ito o hindi na.
Mabuti pa nga sa Kapuso, kinuha si Guy para sa Magpakailanman.
Ms. Helen nagpadala ng tinapa rice sa Kalyeserye dahil sa tuwa
Nakakaaliw malaman na maging ang butihing maybahay ni Sen. Tito Sotto, ang dating Movie Queen na si Helen Gamboa ay tagasubaybay din ng pomosong Kalyeserye sa Eat Bulaga.
Aliw na aliw siya sa pagpapatawa nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.
Ganundin kay Maine Mendoza aka Yaya Dub at Alden Richards.
Nakakawala daw ng stress at pagod!
Sa tuwa ni Tita Helen, nagpapadala pa siya ng tinapa rice sa set ng Kalyeserye. Mahilig magluto si Tita Helen at mahilig talagang mamigay.
Allan lakas ng loob lang ang puhunan kaya nagtagumpay!
Nakakatuwa si Allan K na nauuna pang kiligin sa fans kapag umeeksena na ang tatlong Lolas plus Yaya Dub at Alden Richards.
Supah tawa talaga si Allan ‘pag nagbabatuhan na ng linya sina Jose at Wally. Komedyante na si Allan pero tawang-tawa pa rin sa stars ng Eat Bulaga. Pinaiiyak siya ng dalawa sa katatawa.
May kwento nga si Allan. Noong araw hilig talaga niyang kumanta. May banda siya sa Negros. Hindi siya satisfied na member lang ng grupo kaya nagsolo siya at pumunta ng Manila.
Pangarap daw ni Allan na magkaroon ng tape o cassette plaka na uso noong araw. Magkaka-break na raw sana sa pagkanta si Allan, naging problema lang niya ay pulos gwapo ang mga nakakasabay kaya naisip niya na paano kaya siya sisikat? Nakasabayan nga niya sina Martin Nievera, Gary Valenciano, Louie Heredia at Raymond Lauchengco.
Fighting spirit lang daw ang pinuhunan niya at pagiging positive. Hindi nabigo si Allan, nakipagsabayan siya sa mga poging singer at nagkaroon siya ng sariling tatak bilang Pambansang Ilong ng Pilipinas na malaki ang naitulong sa kanyang success.