Aminado si Michael Pangilinan na parang gripo ng pawis ang tumutulo sa kanya kapag nakasuot ng fat suit at nagpi-perform sa Your Face Sounds Familiar ng ABS-CBN.
Hindi pa kasali ang apat o limang oras na paglalagay ng prostethics at makeup.
Mabuti na lang daw at may nagtuturo sa kanilang tulad ni Teacher Georcelle para sa movement at choreography at si Ms. Annie Quintos na voice coach ng The Company or else hindi raw nila kakayanin kung saan huhugutin ang panggagaya kahit personal din nilang inaaral ang celebrities na na-assign sa kanila.
Marami raw natutunan si Michael tulad ng disiplina at pasensya sa kabila ng pag-i-enjoy at para lang daw silang naglalaro. May teamwork din sila at hindi nila nararamdaman na magkakalaban sila sa YFSF.
Katulad ng mga na-impersonate na ni Michael, inaral niyang lahat ang mapa-video, kanta, mannerism, boses, at personalities nina Janno Gibbs, Michael V., at ngayon nga ay si Jay-R.
Naka-ready naman si Michael anytime na mag-perform siya ng babaeng personality o celebrity. Takot lang daw siyang mag-ahit ng balahibo sa legs. Gusto raw niyang gayahin ang Soul Diva na si Jaya.
Napili naman niyang foundation ay ang Bantay Bata kung saan isa rin siya sa Ambassador ng grupo.
Samantala, ibinibenta ni Michael ang Spiderman niyang Honda red car excel at Batman na Mitsubishi black Lancer dahil balak niyang mag-customize uli ng bagong kotse.
Bale ba parehong customized ang mga kotse na personal na binuo ni Michael. Nasa buy and sell kasi ng kotse ang pamilya niya kaya nasa dugo na raw niya ang hilig sa pagbubuo ng apat na gulong ng kotse.
Pangarap din niyang bumili ng malaking bahay, hindi para sa kanyang sarili, kundi sa buo nilang pamilya. Mas masaya raw kasi kapag sama-sama pa rin silang lahat sa iisang bubong.
Nasanay daw siyang lumaking ka-bonding ang papa niya, pero iba pa rin daw ang sarap ng feeling kapag kasama ang mama niya. Excited siyang umuwi para kumain ng masasarap na luto ng kanyang mama.
Jaya wala nang tagapagtanggol
Speaking of Jaya, nailibing na ang Mama Elizabeth Ramsey niya last week. Bago bawian ang beteranong komedyanteng aktres ay nabahagian siya ng Gospel ng pamilya ni Jaya. Kaya panatag ang kalooban ng Soul Diva sa pagpanaw ng kanyang mahal na mama. Kaya lang, wala nang nanay na magtatanggol sa kanya. Minsan sa kuwento ni Elizabeth sa isang interview, nang magko-concert si Jaya at nagtataka siya kung bakit naglalabasan ang mga tao sa venue, agad-agad to the rescue ang senior comedianne at inawat ang mga taong lumabas. Instant na nag-perform ang nanay ni Jaya kaya kahit brownout na ay hindi naubusan ng komedya. Nag-enjoy ang mga tao sa subok na husay at mga pakuwela ni Elizabeth.
Nakilala rin sa linya niyang “patuka na ako sa ahas,” ang magiting na nanay ni Jaya.