Lea natuwa sa impersonation sa kanya ni Denise
MANILA, Philippines – Matapos lamang ang limang linggong kumpetisyon, muling itinanghal na top scorer ang Absolute Performer na si Sam Concepcion sa Your Face Sounds Familiar para sa kanyang mahusay na panggagaya kay Dong Abay noong nakaraang linggo.
Nauna nang nanalo si Sam sa second week ng YFSF para sa kanyang panggagaya kay Jason Derulo, kaya naman wala siyang pagsidlan ng tuwa lalo na’t marami siyang nakukuhang papuri sa social media.
“I’m very humbled and really thankful.’ Yun talaga yung sobrang nakaka-humble eh, na minsan you just go out there and do your best and God blesses you when you least expect it,” aniya.
Bukod kay Sam, nagpabilib din ang second placer na si Denise Laurel sa kanyang impersonation kay Lea Salonga. Kuhang-kuha ni Denise ang boses at galaw ng The Voice coach kung kaya’t nakuha niya ang atensyon ng mismong Broadway diva.
Pahayag ni Lea sa Twitter, “I couldn’t stop smiling watching this. @D_laurel, you made me so proud!!!”
“I was so nervous kasi Lea Salonga yun eh. Everybody knows her voice. I feel like this is the reason why I’m here – to learn and to share what I can do and for people to know na hindi lang pala pag-arte ang kaya kong gawin,” sabi ni Denise.
Ngayong weekend, muling magpapakitang gilas si Sam bilang si Rick Astley at si Denise bilang ang Mexican superstar na si Thalia. Magta-transform naman si Myrtle Sarrosa bilang Mystica, si Michael Pangilinan bilang si Jay-R, si Kean Cipriano bilang si Silento na siyang kumanta ng Watch Me Whip/Nae Nae, si Eric Nicolas bilang ang Concert King na si Martin Nievera, si Kakai Bautista bilang ang Pinoy singer na si Willie Garte, at si KZ Tandingan bilang ang Black Eyed Peas member na si Fergie.
- Latest