Coffee shop sa loob ng snow world

MANILA, Philippines - Kasabihan na nga, ano ba ang sasarap pa sa mainit na kape kung winter. Pero iyan ay hindi natin nararanasan dahil wala namang winter sa Pilipinas. Pero ngayon ay puwede na iyan, dahil mayroon ng isang coffee shop sa loob mismo ng Snow World sa Star City.

Matapos mamasyal at ikutin ang mga bagong ice carvings na nagtatampok ngayon sa mga sikat na comic heroes at mga anime cha­racters, at bago ninyo subukang magpadulas sa pinakamalaking man made ice slide sa buong mundo ngayon, maaari muna kayong uminom ng masarap na kape na sadyang inihanda ng mga barista sa loob ng Snow World. Isang naiibang karanasan na uminom ng mainit na kape sa isang mesang gawa sa yelo, habang nakaupo ka sa isang stool na gawa rin sa yelo. At siyempre magkakaroon kayo ng pagkakataong matikman ang masarap na kape mula sa pinaghalong Arabica at robusta coffee beans.

Maaari rin kayong magpakuha ng litrato kasama ang isang live snowman sa loob mismo ng mga log cabins na mayroong fireplace, o kaya ay gumawa ng sarili ninyong snowman, habang naglalakad kayo sa “snow area” kung saan umuulan ng snow.

Kakaiba at natatangi ang karanasan sa loob ng Snow World. Ang Snow World ay bukas mula alas kuwatro ng hapon araw-araw mula Lunes hanggang Huwebes, at mula alas dos ng hapon mula Biyernes hanggang Linggo.

Ang Snow World sa Star City ang nag-iisang entertainment attraction sa Pilipinas kung saan may snow at nanatiling taglamig sa buong isang taon.

 

Show comments