MANILA, Philippines – Pinangalanang grand champion ng ikalawang season ng The Voice Kids ang 11 anyos na banana cue vendor na si Elha Nympha ng Team Bamboo matapos makakuha ng 42.16% ng mga boto mula sa publiko sa grand finals ng programa noong Linggo ng gabi (Aug 30).
“Masaya po ako at hindi ko in-expect na mananalo ako. Sobrang saya ko po kasi ngayon lang ako nanalo sa ganitong competition,” ani Elha.
Si Elha ang unang artist ng Kamp Kawayan na nagwagi sa top-rating na singing competition. Siya ang nanguna sa botohan at tinalo ang Team Lea artists na sina Reynan Dal-anay, na nakakuha ng 31.64% ng mga boto at Esang De Torres (18.16%), pati na ang kapwa Team Bamboo artist na si Sassa Dagdag (8.04%).
“I just truly believe she deserves it. Ang tamang ginawa ko ngayong season ay ang umikot para sa kanya. Ako lang ang umikat para sa kanya (sa blind auditions). No one saw her coming, and then at some point, I knew I had someone very special,” pahayag ni coach Bamboo.
Bilang ang pinakabagong The Voice Kids grand champion, wagi si Elha ng recording contract sa MCA Music Inc., isang music instrument package, shopping spree, isang family utility vehicle, house and lot na nagkakahalaga ng P2 milyon, P1 milyong cash, at P1 milyong trust fund.
Bago awitin ang kanyang winning piece na Ikaw ang Lahat sa Akin, ibinida ni Elha ang kanyang whistle register sa pagkanta ng Emotions ni Mariah Carey at nagpakitang gilas sa kanyang duet kasama si Jed Madela sa unang dalawang rounds ng finale noong Sabado (Aug 29).
Naka-duet naman nina Reynan, Esang, at Sassa, ang Your Face Sounds Familiar juror na si Gary Valenciano, host na si Billy Crawford, at juror na si Sharon Cuneta.
Naging espesyal din ang live show noong Linggo sa pag-perform nina coaches Lea Salonga, Bamboo, at Sarah Geronimo sa unang pagkakataon ng Sariling Awit Natin, na sinulat nina Yeng Constantino at Jonathan Manalo.
Talaga namang tinutukan ng sambayanan ang ikalawang season ng The Voice Kids kung kaya’t ito ang naging pinakatinutukang programa sa buong bansa noong Hunyo at Hulyo. Nagtala ito ng all-time high na national TV rating na 46.3%, base sa datos ng Kantar Media.