Goma box-office na ang pelikula sa takilya nakabingwit pa ng gold sa fencing
Hindi lang napatunayan ni Richard Gomez na isa siyang tunay na box-office star hanggang ngayon, matapos na maging isang malaking hit ang kanyang pelikula. Pinatunayan din niyang malakas at magaling pa rin siya sa sports matapos na manalo ng gold sa Asian Masters Fencing Championship, na ginanap sa Ultra noong makalawa. Kung iisipin na iyang fencing ay hindi naman talaga sports kung saan sinasabing nangunguna ang Pilipinas, at hindi nga halos pinagtutuunan ng pansin dahil sinasabi nilang magastos, aba ang isang Pilipino na manalo ng gold sa sports na iyan ay matindi.
Kung sa bagay, hindi lang naman si Goma. Maging ang anak niyang si Juliana Gomez ay lumalaban na rin sa mga fencing competition.
Kung iisipin din, isa lang ang fencing sa sports na nagpakita ng kahusayan si Goma. Naging member din siya ng ating national team sa rowing, shooting, at volleyball bukod nga sa fencing. Mahusay din naman siyang maglaro ng basketball, hindi nga lang siya umabot talaga doon sa paglalaro sa big league, inagaw kasi siya agad ng showbiz eh.
Iyan nga ang isa sa pinag-uusapan namin ni Goma minsan. Naniniwala daw kasi siya na kahit na ano ay makakaya ng isang tao, depende sa kanyang determination at pagsisikap na maabot kung ano man ang kanyang goal. Inamin din naman ni Goma na talagang pinaghihirapan niya iyon. Ang pinag-uusapan namin noon ay ang ginagawa niyang pagmi-maintain ng kanyang hitsura, tingnan naman ninyo si Goma mukhang bata pa. Pero nabanggit niya na sa sports kasi, hindi puwedeng hindi ka fit. Matapos lamang ang dalawang araw na mapag-usapan namin iyon, hayan nga at nanalo siya ng gold sa fencing.
Kung ang pagiging isang box-office star ay masasabing karangalan lamang ni Goma, ang pananalo niya ng gold sa fencing ay karangalan ng buong bansa.
Megan at tom kailangan munang kalimutan sina Carla at Mikael
Palagay namin, tama ang isang obserbasyon na aming narinig. Siguro nga kung si Mikael Daez na lang ang ginawang leading man ni Megan Young, mas nag-click pa ang kanyang serye. Teka ha, wala kaming sinasabing hindi magaling si Tom Rodriguez. Magaling na actor si Tom, at kung iisipin mo talaga, ang role lamang ni Sergio, talagang si Tom ang nababagay doon.
Pero may isang factor na kailangan nating isipin diyan. Kailangang magkaroon ng kiliti. Kailangan ang kilig factor. Iyon ang dahilan kung bakit sumikat ang KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Iyon ang dahilan kung bakit nagkakagulo ang lahat sa AlDub nina Alden Richards at Yaya Dub ngayon. Mayroon silang kilig factor. Palagay namin, iyon ang kulang sa team up nina Megan at Tom. Alam naman kasi ng mga tao na mukhang iba ang nililigawan ni Tom. Matagal na rin namang alam ng mga tao kung sino ang boyfriend ni Megan.
Kaya nga sinasabi namin na sa aming palagay lamang, kung ang pinagtambal sa serye ay sina Megan at Mikael, baka mas nagkaroon ng kilig factor at iyon ang magdadala sa kanilang serye. Alalahanin ninyo, ang orihinal na seryeng iyan ay sumikat noon dahil napakaganda ng leading lady, at pogi talaga ang leading man. Ang nagdala diyan ay kilig factor. Kaya nga noong dalhin nila sa Pilipinas si Thalia na medyo may edad na at hindi na ganoon kaganda, nanlamig na ang kanyang popularidad. Hindi naman masasabing napakaganda ng orihinal na kuwento ng istoryang iyan, nakuha lang nila ang kilig ng tao.
Ewan ha, hindi sa nagmamarunong kami. Kaya nga lang kabisado kasi namin kung ano ang takbo ng isip ng aming “market” kaya namin nasasabi ang ganyan. Malakas pa rin ang kutob namin, kung si Mikael ang inilagay diyan, baka mas mag-click pa.
- Latest