Nananawagan na nga ba si Chris Brown kay US President Barack Obama para pakialaman ang kanyang kaso sa Pilipinas, matapos ang dalawang araw ng pagpigil sa kanya sa bansa? Nagkaroon ng mga ganyang katanungan matapos siyang mag-post ng isang picture niya sa kanyang social media account at banggitin ang pangalang “Obama”.
Matatandaang dapat umalis na siya noon pang Miyerkules ng tanghali para sana makapunta sa Hongkong kung saan siya may concert din ng gabing iyon, matapos ang kanyang matagumpay na concert sa Manila. Kaso hindi siya pinayagang umalis ng mga kinatawan ng Bureau of Immigrations dahil sa look out order na pinalabas ni Secretary Leila de Lima ng DOJ, dahil hiniling ng Iglesia ni Cristo na gawan naman ng paraan dahil nga sa kasong estafa na isinampa nila laban sa international recording artist, kaugnay naman ng hindi pagsipot ni Brown sa kanilang New Year concert sana sa Philippine Arena.
Sinabi nilang binayaran na ng buo ng Maligaya Development Corporation si Brown at ang kanyang promoter para sa concert na iyon, na hindi naman nasipot ng singer dahil sa diumano ay nawala ang kanyang passport. Hindi rin naman umano isinauli ni Brown ang halagang ibinayad sa kanya. Humihingi sila ng bayad sa pinsalang isang milyon sa kasong estafa na isinampa nila kay Brown.
Umasa si Brown na maaayos ang problema sa araw ding iyon, pero inabot siya ng ikalawang araw na naririto pa rin at hindi makaalis sa Pilipinas. Sinasabing nananatili siya sa isang hotel habang inaayos ng kanyang mga promoters ang problema.
Marami ang nagsasabing baka ang nangyari kay Brown ay makapagbigay ng “wrong signals” sa iba pang mga international artists na dadayo sa ating bansa.
Pero kahapon ng hapon ay pinayagan na ring makalabas ng bansa si Brown. Baka napag-isip-isip na nila na makakasama ito sa ating imahe kung hindi pa nila paaalisin si Brown.
Mayor Herbert handang mamagitan sa krisis ng Iglesia ni Cristo
Believe na kami talaga kay Mayor Herbert Bautista. Bukod sa kanyang trabaho sa City Hall, may ginagawa pa siyang pelikula na isasali sa festival, pero kahit na pagod, nang magkaroon nga ng controversy sa Iglesia ni Cristo, nagpunta pa si mayor sa central para personal na alamin kung ano talaga ang kalagayan ng mga tao roon. Nabulabog kasi ang lahat dahil sa announcement ni Ka Tenny at Ka Angel, ang ina at kapatid ng executive minister ng Iglesia na nanganganib ang kanilang buhay.
Sinabi pa ni Mayor Bistek na kung may magagawa siya, kung maaari siyang mamagitan para matapos ang gulo ay nakahanda siya. Pero sinabi niyang iyon ay personal na problema ng pamilya Manalo na hindi naman dapat pakialaman ng kahit na sino.
Ang maganda nga lang na ginagawa ni Mayor Bistek, nang malaman niyang may krisis, naroroon siya para alamin ang tunay na sitwasyon, hindi kagaya ng ibang opisyal ng gobyerno na kung may problema ay bahag ang buntot na nagtatago, at pinababayaang iba ang humarap sa problema.
Noong isang araw din, may mga kailangan kaming mga importanteng bagay sa City Hall ng Quezon City. Staff lang ni mayor ang humarap sa amin dahil wala naman siya roon, pero efficient sila at hindi namin akalain na ganoon kabilis ang kanilang serbisyo samantalang sinabihan kami sa aming barangay na siguro mga apat na oras naming hihintayin ang kailangan namin kung didiretso kami.