MANILA, Philippines - Positibo ang half-Spanish, half-Filipino singer-songwriter at pinakabagong pop balladeer ng Star Music na si Edward Benosa na may puwang pa sa music industry ang mga bagong sibol na singers na walang ibang hangad kundi maibahagi ang kanilang talento.
“Naniniwala po ako na sa lawak ng panlasa ng mga Pinoy pagdating sa musika, mayroon mga taong matitipuhan ang mga bagong tunog na maririnig nila,” sabi ni Edward na unang napansin ng TV viewers nang mag-audition siya sa The Voice of the Philippines Season 1 noong 2013. Bagama’t hindi inikutan ng coaches, nagawa ni Edward na mapasigaw si Toni Gonzaga dahil sa kanyang malakas na appeal at maging si Coach Sarah Geronimo na binanggit pa na edge niya bilang performer ang kanyang kagwapuhan.
“Pero gusto ko pong patunayan na hindi lang po ako makikilala dahil sa itsura. Mahirap kasi na gwapo lang pero wala namang ibubuga. Kaya gusto ko pong mabigyan ako ng tao ng pagkakataon na marinig ang mga kanta ko at ma-discover nila ang compositions ko,” sabi ng pop balladeer.
Ayon pa kay Edward, ang pop ballad songs niya ay para sa mga hopeless romantic Pinoy na mabilis maka-relate sa mga lyrics na swak sa mga karanasan nila. Aniya, “Pagdating sa love songs, kapag mas nakaka-relate ang tao sa lyrics, mas tumatatak sa puso nila.”
Bahagi ng self-titled debut album ni Edward ang walong tracks kabilang ang Ikaw Lang, Paglisan, Puso Kong Ito, Sa Piling Mo, Why Didn’t You Stay, Stay tampok si Marion Aunor, at ang carrier singles niya na Iingatan Ko at Di Man Lang Nagpaalam. Lahat ng tracks ay may minus one versions sa album.
Mabibili na ang self-titled album ni Edward sa record bars nationwide sa halagang P199 lamang. Maaari na ring ma-download ang digital tracks sa pamamagitan ng online music stores katulad ng iTunes, Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph.