13th death anniversary ni Rico Yan ginunita ng pamilya at mga kaibigan

Ginunita kahapon ng pamilya, mga kaibigan at fans ang 13th death anniversary ni Rico Yan na sumakabilang-buhay noong March 29, 2002 sa Dos Palmas Resort, Palawan.

Kung nabubuhay si Rico, 40 years old na siya noong March 14.

Big news ang pagpanaw ni Rico ng Good Friday noong 2002. Mabilis na kumalat ang balita pero hindi confirmed dahil hindi pa naman uso noon ang social media, walang palabas sa mga TV at walang programa sa mga diyaryo.

Natatandaan ko na sinundo sa Palawan ang mga labi ni Rico, isinakay sa eroplano habang nagbabalita si Karen Da­vila na kasama sa flight pabalik sa Maynila.

Nakiramay ako sa naulilang pamilya ni Rico at nagpunta ako sa burol niya sa La Salle Greenhills.

Buhay na buhay noon ang network war ng GMA-7 at ABS-CBN. Isyu ang pagpasok ko sa La Salle Greenhills dahil nag-dialogue ang security guard na taga-GMA-7 ako.

Inabangan ng mga tao ang pagdalaw ni Claudine Barretto sa burol ni Rico Yan.

Malaking balita ang pagpunta ni Claudine dahil nalaman ng publiko na hiwalay na sila ni Rico at may mga sighting sa kanila ni Raymart Santiago.

Walang kamalay-malay ang fans na hiwalay na ang dalawa dahil hindi nahalata na may problema sa kanilang relasyon noong ipino-promote nila ang Got To Believe, ang pinakamalakas na pelikula noong 2002.

Matagal na ipinalabas sa mga sinehan ang Rico-Claudine movie dahil naabutan ito ng pagpanaw ng aktor.                         

Pip fit and healthy na ulit

Hindi na secret ang pagkakaroon ni Tirso Cruz III ng malignant tumor sa baga dahil siya mismo ang nagkuwento sa mga bisita niya sa kanyang birthday party noong Sabado.

Ang Diyos ang unang pinasalamatan ni Pip nang sabihin ng doktor na cancer-free na siya matapos ang operas­yon sa kanya noong nakaraang taon.

Fit and healthy na uli ngayon si Pip na nagpapasalamat din sa lahat ng mga nagdasal para sa kanyang mabilis na recovery.

Hindi si Pip ang unang kilala na personalidad na naging biktima ng lung cancer. Nalampasan din ni Mother Lily Monteverde at Senator Miriam Defensor-Santiago ang kanilang mga karam­daman. Normal na normal na uli ang pakiramdam nina Mother at Mama Miriam.

Never na inilihim ni Pip sa close friends niya ang kanyang kalagayan noon.

Imbes na itsismis siya, ipinagdasal si Pip ng kanyang mga kaibigan na hindi nagkulang sa moral at emotional support.

Magaling si Pip na magdala ng problema dahil hindi nahalata ng mga tao na may pinagdaraanan siya noon. Hindi nga napansin na nawala si Pip sa paningin ng publiko noong na-confine siya sa ospital para sa kanyang operasyon.              

Sen. Loren may kinalaman sa taklub ni Nora

Taklub ang pamagat ng pelikula ni Nora Aunor na tungkol sa mga biktima ng Typhoon Yolanda noong November 2013.

May kinalaman sa Taklub si Senator Loren Legarda dahil ‘yon ang project na ikinuwento niya sa mga miyembro ng entertainment press na nananghalian sa ancestral house nila sa Malabon City noong nakaraang taon.

Sure ako na ang Taklub ang movie project na tinutukoy ni Mama Loren dahil kasama ako sa mga kumain ng tanghalian  sa bahay niya.

Taklub ang pamagat ng project dahil pinaigsi ito na pangalan ng Tacloban City. Hindi ko malilimutan ang excitement ni Mama Loren nang sabihin nito na pumayag nang magbida sa pelikula ang isang mahusay na aktres at si Nora nga ‘yon.

 

Show comments